Calendar

PhilHealth dapat sagutin hospital bill ng mga OFW, pamilya nila — Rep. Tulfo
DAHIL sa kanilang sakripisyo at pagtulong sa ekonomiya ng bansa, marapat lamang na sagutin ng PhilHealth ang hospital bill ng mga OFW at pamilya nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Cong.Erwin Tulfo, na malaking tulong ito ng PhilHealth sa mga OFWs at pamilya nila pagdating sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.
Sabi ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS Cong.Tulfo, “Sobrang malaking kabawasan ito sa gastusin ng ating OFW lalo na yung mga domestic helper, labor, at mabababang sahod sa ibang bansa”.
Aniya, “Kahit kalahati man lang ng kanilang hospital bill ang sagutin ng PhilHealth at sa kahit anong uri ng sakit, ay malaking bagay na”.
Sa ngayon hanggang 30 porsiyento lang ng medical bill ang sagot ng PhilHealth para sa lahat ng miyembro nito sa ilang mga piling sakit lang.
Pahayag pa ni Cong.Tulfo, “Hindi lang OFW mismo ang covered ng benepisyong ito, dapat pati na rin ang kanyang naiwang pamilya sa bansa”.
Ayon sa mambabatas ito raw ang isa sa mga kahilingan ng mga OFW na nakasalamuha niya matapos magtungo sa Paris, France para sa kanilang Barrio Fiesta activity.
Aniya maghahain siya ng isang panukalang batas hinggil dito.