COCROM

Pinamahagi ni PBBM na COCROM sa 3,500 ARBs sa Paniqui umabot ng 4,663

Cory Martinez Oct 1, 2024
77 Views

UMABOT sa 4,663 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) sa 3,500 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Paniqui, Tarlac ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para hindi na magbayad ang mga ARBs ng pagkaka-utang na nagkakahalaga ng P124 milyon sa lupang pansakahan na kanilang natanggap mula sa agrarian reform program.

Kasama ni Pangulong Marcos si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella lll sa pamamahagi ng mga certificate na may kabuuang 4,132.1256 ektarya ng lupang pansakahan

“Hindi na po bale dahil isa sa pinakamalaki at makabuluhang karangalan bilang isang Pangulo ang buuin ang naging pangarap ng milyon-milyong Pilipino na magkaroon ng sariling lupa at mabura ang inyong mga utang.

Kaya po kahit na may ulan, kahit na may bagyo, kami kahit na maysakit, dadating at dadating po kami,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ni Estrella na determinasyon ng Pangulo na maabot at pagsilbihan ang mga tao lalung-lalo na ang mga magsasakang Pilipino.

“Dapat ang Presidente kung may sakit, doon na lang sa bahay, nagpapahinga. Ngunit kahit na masama ang pakiramdam, tumuloy pa rin ho kami sa Palawan at sa Iloilo,” ani Estrella.

Personal na tinanggap ni Mario Velasco ng Bantod, Caricutan, Tarlac, isa sa mga benepisaryo, mula sa Pangulo ang kanyang COCROM na kino-condone ang kanyang kabuuang utang na P241,968.86.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa pamunuan ng DAR, kay Kalihim Conrado M. Estrella III at higit sa lahat kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa programang ito na nag-aalis ng aming mga utang sa lupang aming sinasaka,” sabi ni Velasco.

Noong Hulyo 7, 2023, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), bilang batas na nag-aatas ng condonation sa lahat ng hindi nababayarang principal amortization, interest at surcharges ng mga ARBs para sa lupang pansakahan na ibinigay sa kanila ng DAR.

“Ang pera na nakalaan sana rito ay maaari na ninyo pong gamitin sa pang-araw-araw at ibang pangangailangan sa inyong pagsasaka. Wala na po kayong alalahanin, maging ang mga susunod pang magmamana ng lupang inyong sinasaka.

Ngayon po may panibagong pagkakataon na kayo upang mapaunlad ang inyong mga kabuhayan at ang inyong mga pamilya,” paliwanag ng Pangulo.

Sa pamamagitan ng naturang batas, inaasahang makikinabang ang may 600,000 na ARBs na nasasakupan ng mahigit na 1.7 milyong ektarya ng lupang pansakahan sa buong bansa.