Calendar
Ping may pa-throwback sa mga Ilonggo tungkol sa kuwento ng kanyang angkan
KAIBA sa mga naging pakikipagdayalogo niya sa publiko, naging bukas si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang personal na buhay nang ilahad niya ang isang trivia tungkol sa kanilang pamilya sa Estancia, Iloilo.
Ikinuwento ni Lacson sa kanyang talumpati sa harap ng mga nag-abang na mga residente at lokal na opisyal na konektado sa Iloilo ang mga kamag-anak niya sa panig ng kanyang ama. Aniya, isa sa mga ninuno niya ay negosyante na nagtungo sa probinsyang ito at dito na nanirahan.
“Ang istorya po niyan, tatlo po silang magkakapatid na traders. Dumaong po sila diyan sa Molo, Iloilo. ‘Yung isa sa magkakapatid nagpunta ng Negros (Occidental), ‘yung isa ang naiwan sa Iloilo, ‘yung isa nagpunta ng Luzon—‘yun po ‘yung aking ninuno, ‘yung nagpunta ng Luzon,” pahayag ni Lacson.
Ayon sa batikang senador, sa tatlong mga naunang henerasyon ng Lacson, ang nagpunta sa Luzon ay hindi gaanong umunlad ang pamumuhay habang ang mga nanirahan naman sa Negros Occidental at Iloilo ay naging mayaman.
“‘Yung nagpunta ng Negros Occidental, mga mayayaman kasi landed,maraming lupain. ‘Yung naiwan sa Iloilo, mayaman din kasi maraming negosyo. ‘Yung nagpunta ng Luzon—hindi na nila na-contact kasi wala namang cellphone‘nung araw—‘yun ang mahirap,” sabi ni Lacson.
Aniya, ito umano ang naging ugat ng simple nilang pamumuhay. Isinilang at lumaki ang presidential aspirant sa Imus, Cavite at ang kanyang mga magulang ay pawang mga ordinaryong mamamayan. Ang kanyang ina ay tindera ng tela sa palengke, habang ang ama naman niya ay isang tsuper ng dyip.
Sinabi rin ni Lacson sa mga taga-Iloilo na nagsimula ang misyon niya ng paglaban sa korapsyon, lalo na sa kalsada dahil sa pangongotong na naranasan ng kanyang ama na madalas ay naikukuwento nito sa kanya.
“Hindi ko nakaligtaan, nakalimutan na ‘yung tatay ko tuwing umuuwi, malungkot. Ang sinasabi niya, ‘yung pinamasada niya, ‘yung dapat naiuwi niya sa aming pamilya nabawasan dahil sa kotong ng pulis,” ani Lacson.
Noong maupo siya bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni Lacson na naging prayoridad niya ang paglilinis sa mga kotong cop upang matulungan ang mga motorista, lalo na ang mga driver ng pampublikong sasakyan, gayundin ang mga lokal na negosyante.
Inihayag ni Lacson na nais niyang palawigin ang ganitong sistema ng paglaban sa korapsyon sa buong bansa kung siya ang susunod na magiging pangulo at sa tulong na rin ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
“Kung kami po ni Senate President Sotto pagbibigyan ng Poong Maykapal na makapaglingkod sa ating mga kababayan sa susunod na anim na taon, ‘yan po ang aming ipaglalaban para umasenso lahat ng ating mga komunidad, ‘yung ating mga probinsya, mga munisipyo, mga barangay,” aniya.
Ikinakampanya ng tambalang Lacson-Sotto ang mga plataporma ng mabuting pamamahala at paglaban sa katiwalian sa mga mensahe nila na ‘Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino’ at ‘Uubusin ang Magnanakaw’ ngayong Halalan 2022.