Lacson

Ping saludo sa sakripisyo ng fire volunteers

496 Views

BINIGYANG pugay ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson ang mga bumbero na humaharap sa bigat ng kanilang responsibilidad sa pagliligtas ng buhay at ng mga ari-arian, kahit pa malagay din sa kapahamakan ang kanilang sarili.

Kaugnay ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso, nagbigay ng mensahe ang presidential candidate para sa mga fire volunteer dahil sa mabilis nilang pagresponde kahit na hindi sinuswelduhan ng pamahalaan.

Ang fire volunteers ay kadalasang binubuo ng samahan sa pribadong sektor na tumutulong sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagresponde sa mga sunog.

“Tuwing Marso lagi nating na-e-experience marami talagang sunog na nangyayari. Pasalamatan natin ‘yung mga volunteer kasi maski walang sweldo, gumagastos ng sariling pera, nandiyan sila lagi,” pahayag ni Lacson sa panayam ng Bombo Radyo, Miyerkules.

Dagdag niya, nararapat lamang na bukod sa mga departamento sa sunog na matatagpuan sa bawat lungsod ay lalo nating pasalamatan ang mga volunteer na bumbero at ang mga non-government owned Volunteer Fire and Rescue Team dahil sa ginagawa nilang sakripisyo at kontribusyon para sa ating bayan.

Pinaalalahanan rin ni Lacson ang ating mga kababayan na dapat maging listo sa sunog, anumang panahon, at alamin kung paano makaliligtas sa sakunang ito kung sakaling mangyari sa kanilang tahanan o barangay.

Responsibilidad din aniya ng mga mamamayan at ng mga lokal na pamahalaan ang magkaroon ng maayos na ugnayan para maipaalam ang serbisyo na makakatulong para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.