Lacson1

Ping: Walang atrasan tuloy hanggang Halalan 2022

349 Views

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija—Upang pabulaanan ang lumabas na video sa social media na aatras na silang dalawa sa pampunguluhan at pampangalawang panguluhang halalan, personal na inihayag ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson na tuloy na tuloy ang kandidatura nilang dalawa ng ka-tandem na si Senate President Tito Sotto.

Mismong si Lacson ang nagsabi sa live interview na dinaluhan din ng mga lokal na mamamahayag sa himpilan ng DWJJ/CABTV sa lungsod na ito na walang katotohanan ang balitang aatras na silang dalawa ni Sotto sa laban.

“Hihirit lang ako kasi may mga fake news na lumalabas, mapa-Youtube, mapa-Facebook, aatras raw kaming dalawa. Huwag kayong maniwala kasi aatras lang kami sa May 9, either papunta kami ng Malacañang o pauwi ng bahay,” tugon ni Lacson bilang reaksyon sa lumabas na fake news.

Bago ito ay inilabas ng isang Showbiz Fanatics channel sa Youtube na anumang oras ngayong araw (Marso 22) ay aatras daw sa kanilang kandidatura sina Lacson at Sotto para bigyang-daan ang ibang magka-tandem sa presidential at vice presidential posts.

Kaya naman agad ding naglabas ng mensahe ang tagapagsalita ni Lacson na si dating Congressman Ace Acedillo at tahasang tinukoy na ang naturang video ay kasinungalingan at ang YouTube channel na pinagmulan ng nasabing impormasyon ay nagpapakalat ng fake news.

“What the video claims is a total lie, and that vlog (Showbiz Fanatics) is peddling fake news with that so-called update,” ayon kay Acedillo.

“Ping Lacson is absolutely determined to finish the campaign, and hopefully, make it as President along with his running mate for VP (vice president), Tito Sotto,” banggit pa ng dating kongresista.

Ilang beses na ring napabalita kamakailan na uurong si Lacson sa laban kung kaya’t nauna na ring nagbigay ng pahayag ang isa pang tagapagsalita ni Lacson na si dating Antipolo Congressman Romeo Acop para ito ay pabulaanan at kondenahin din.