Calendar
Plunder laban kay VP Sara kaugnay ng P112.5M confi fund cash advances ikinasa
SA patuloy na pagkabigo ni Vice President Sara Duterte na ipaliwanag kung papaano ginastos ang confidential funds nito, lumutang ang posibilidad na irekomenda ng House committee on good government and public accountability, ang Blue Ribbon committee ng Kamara de Representantes, ang paghahain ng kasong plunder.
Umaabot sa P112.5 milyong halaga ng confidential fund ng Department of Education (DepEd), na kinuha sa pamamagitan ng cash advance ng malapit na aide ni Duterte, ang hindi pa naipaliliwanag kung papaano at saan ginastos.
Ito ang inihayag ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. noong Linggo, kasabay ng panawagan kay Duterte na sagutin at bigyang-linaw ang kwestyunableng paglalaan ng pondo na natuklasan sa pagdinig ng komite noong Oktubre 17, sa pangunguna ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Ang kinukwestyong pondo ay na-withdraw sa pamamagitan ng tatlong magkakahiwalay na tseke na may halagang P37.5 milyon bawat isa, na inisyu kay Edward Fajarda, ang Special Disbursing Officer (SDO) ng DepEd.
Ang mga cash advance ay ginawa sa unang tatlong quarter ng 2023, noong si Duterte pa ang kalihim ng DepEd.
“Pera ito ng taumbayan, at kailangan nating tiyakin na ito ay nagamit ng tama,” ayon kay Gonzales.
Dagdag pa ng mambabatas mula sa Pampanga: “Kung ang Bise Presidente, bilang pinuno ng DepEd noong panahong iyon, ay hindi makapagbigay ng malinaw at sapat na paliwanag kung paano ginamit ang perang ito, tungkulin namin na ituloy ang kinakailangang mga legal na hakbang, kabilang ang kasong plunder, upang maprotektahan ang interes ng publiko.”
Sa pagdinig noong Oktubre 17, sunod-sunod na tanong ang ibinato ni Gonzales kay DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla tungkol sa paggamit ng confidential funds at ang papel ni Fajarda sa pag-encash ng mga ito.
Kinumpirma ni Sevilla na ang mga tseke ay inisyu at na-encash ni Fajarda batay sa mga karaniwang proseso para sa mga cash advance na may kaugnayan sa confidential funds.
“Nakita ko lang po itong mga dokumento. Itong tatlong tseke ba ay tig-P37.5 million at naka-issue sa pangalan ni Mr. Edward Fajarda?” tanong ni Gonzales, na sinagot naman ni Sevilla, “Opo, tama po. Siya po ang authorized SDO po natin.”
Ipinaliwanag ni Sevilla na ang kanyang tungkulin bilang undersecretary for finance ay limitado lamang sa pagproseso ng paglalaan ng pondo, alinsunod sa nakasaad sa joint circular na namamahala sa pagpapalabas ng confidential funds.
Subalit tinukoy niya na ang DepEd finance office ay walang responsibilidad sa pagsubaybay kung paano talaga ginastos ang mga pondo.
“Wala pong record na makikita sa accounting or budget on the utilization or liquidation,” saad pa ni Sevilla.
Ikinabahala ni Gonzales ang kawalan ng dokumentasyon sa isang mahalagang transaksyon. “Ang tseke na ito ay may corresponding disbursement voucher, tama? So papaano ho siya na-encash ni Mr. Fajarda?” tanong pa ng kongresista.
Sinabi ni Sevilla na ang mga tseke ay na-encash sa Land Bank of the Philippines at si Fajarda ang may pananagutan sa inilabas na pondo.
Ipinunto ni Gonzales ang mga hindi pagkakatugma sa dokumentasyon at binanggit na ang mga disbursement voucher para sa mga pondo ay nakalista bilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa halip na confidential funds.
Ito, ayon sa mambabatas, ay kahina-hinala tungkol sa kung paano nakategorya ang mga pondo at kung ginamit ba ang mga ito para sa kanilang mga nakalaang layunin.
Binigyang-diin niya na ang ganitong maling pag-label ay maaaring magpahiwatig ng kakulangan sa transparency at posibleng maling paggamit ng mga pondo ng bayan na inilaan para sa mga sensitibong programa.
Si Fajarda, ang opisyal na nag-encash ng mga tseke, ay hindi dumalo sa pagdinig, subalit siya ay na-subpoena upang humarap sa susunod na sesyon.
Inaasahan na ang kanyang testimonya ay magbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa kung paano ginamit ang mga pondo matapos itong ma-withdraw mula sa Land Bank.
Kinukuwestyon din ni Gonzales ang logistics ng paghawak ng ganitong malaking halaga ng pera at binanggit na kinakailangan ni Fajarda na aktwal na dalhin ang P37.5 milyon na cash sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon.
“Tatlong beses niyang kinargahan ang P37.5 million—mabigat-bigat po ito,” ayon pa kay Gonzales, na ipinagtataka rin kung paano kailangang dalhin ni Fajarda ang pera papunta sa mga opisina ng DepEd na walang elevator.
Iginiit ni Sevilla na sinunod ng DepEd ang kinakailangang proseso para sa paglalabas ng mga confidential funds, ngunit binigyang-diin na ang kanyang opisina ay walang nalalaman sa kung paano ginamit ang mga pondo pagkatapos itong maipamahagi.
“For the confidential funds, talagang sumusunod kami sa joint circular,” paliwanag ni Sevilla. “Pero kami po sa finance, hindi kasama sa utilization o liquidation ng confidential funds.”
Ang confidential funds na tinutukoy ay bahagi ng P150 milyong inilaan sa DepEd noong 2023 para sa mga programang nakatuon sa paglutas ng mga isyu tulad ng abuse prevention sa mga paaralan, anti-extremism efforts at counterinsurgency.
Ito ang unang pagkakataong naisama ang mga ganitong pondo sa badyet ng DepEd, na nagbigay-daan sa mga tanong tungkol sa kung paano hinahawakan ng isang nonsecurity-focused agency ang mga pondong ito.
Binigyang-diin ni Gonzales ang bigat ng sitwasyon, kung saan nagbabala rin ito na maaaring mapilitang magrekomenda ang komite na maghain ng kaso ng pandarambong, isang non-bailable offense na may parusang habambuhay na pagkakabilanggo, kung mabibigo si Duterte na magbigay ng malinaw na ulat tungkol sa mga pondo.
“Kung hindi maipaliwanag ang paggamit ng P112.5 million, we may have no choice but to consider recommending the filing of a plunder case,” giit pa nito.
Dahil ang itinakdang hangganan para sa pandarambong ay P50 milyon, ang P112.5 milyong tinutukoy ay higit pa sa limitasyong iyon.
Bagama’t ang nakaupong Bise Presidente ay isang impeachable official, nilinaw ng mga legal at constitutional expert na, hindi katulad ng Pangulo, ang Pangalawang Pangulo ay walang proteksyon laban sa mga demanda, na maaaring maharap sa mga kasong kriminal habang nasa pwesto.
Nakatakdang ipagpatuloy ng komite ni Chua ang kanilang imbestigasyon, kung saan inaasahang magiging mahalagang bahagi ng pagtukoy kung ang mga pondo ay tamang nagamit o naabuso mula sa magiging testimonya ni Fajarda.
Si Duterte, na naging kalihim ng DepEd mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2023, ay hindi pa sumasagot kaugnay ng hinala ng maling paggamit ng pondo.