Calendar

PNP naglunsad ng Oplan Ligtas Sumvac
INILUNSAD na ng Philippine National Police (PNP) ang Memorandum Circular Ligtas SUMVAC (Summer Vacation) 2025 Operational Guidelines bilang gabay sa pagpapatupad ng mas pinaigting na seguridad at kaayusan sa buong bansa.
Inatasan na ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang lahat ng yunit nito na tiyakin ang kaligtasan ng publiko mula Abril 1 hanggang Mayo 31.
Layunin ng security measures na protektahan ang lahat ng Pilipino tuwing tag-init kung saan dumarami ang mga bumibiyahe papunta sa kanilang mga probinsya.
Maraming mahahalagang pagdiriwang ang kasabay ng panahon na ito kabilang ang Philippine Veterans Week, Araw ng Kagitingan, Labor Day, Flores de Mayo at Mahal na Araw mula Abril 13 hanggang Abril 20.
Kasabay ng pagdami ng tao sa matataong lugar, inaasahang tataas din ang mga kaso ng krimen tulad ng panloloob, pagnanakaw, at iba pang illegal na aktibidad.
Bukod dito, maraming bahay ang naiiwanang walang tao, kaya’t maaaring samantalahin ito ng mga masasamang loob.
Bilang tugon, ipatutupad ng PNP ang Enhanced Operational Concept of Managing Police Operations (E-MPO) Strategy upang mapalakas ang police visibility, patrol operations, at koordinasyon sa iba pang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.
Itatalaga ang Police Assistance Desks sa mga transport hubs, tourist spots at iba pang matataong lugar upang agarang makapagbigay ng tulong sa publiko.
Paiigtingin din ang law enforcement operations upang pigilan ang anumang aktibidad ng krimen, habang mas hihigpitan ang seguridad sa mga mahahalagang pasilidad, terminal, at lugar ng pagsamba sa pamamagitan ng intelligence monitoring at security inspections.
Kasabay nito, ipapatupad nang mahigpit ang traffic management at road safety measures upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at maiwasan ang mga aksidente sa lansangan.
Tiniyak ni Gen. Marbil ang kahandaan ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.
Pinaaalalahanan din ng PNP ang lahat ng biyahero na tiyaking maayos na nakakandado ang kanilang bahay bago umalis, maging alerto sa paligid at sumunod sa mga safety guidelines sa matataong lugar.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño, bukas ang mga emergency hotlines at opisyal na social media channels ng PNP para sa mga agarang concerns o insidente na nangangailangan ng agarang aksyon.