Marbil1 PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil

PNP pinaigting operasyon vs droga, street level drug dealers tutugisin

19 Views

NAGSASAGAWA ng mas maigting na hakbang ang Philippine National Police (PNP) upang palawakin ang saklaw at lalim ng operasyon kontra ilegal na droga sa buong bansa.

Ang hakbang na ito ay kaugnay ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin at paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, sa pamamagitan ng pagtugis hindi lamang sa mga malalaking sindikato kundi pati na rin sa mga street-level drug dealers.

Base sa opisyal na record ng Pambansang Pulisya, sa loob lamang ng dalawang linggo, o mula Mayo 4 hanggang 17, umabot sa 664 na anti-illegal drugs operations ang isinagawa ng PNP sa iba’t ibang panig ng bansa na nagresulta sa pagkaka-aresto ng 588 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.

Nasamsam sa mga operasyon ang kabuuang 2,082 gramo ng shabu at 23 gramo ng marijuana na may tinatayang halagang P14,162,488.40 batay sa standard drug price.

Binigyang-diin ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil na nananatiling pangunahing prayoridad ng organisasyon ang kampanya kontra ilegal na droga at ito’y ipatutupad nang agresibo sa lahat ng antas.

“Buong puso naming tinutupad ang utos ng Pangulo. Hahabulin natin ang mga sangkot sa ilegal na droga mula sa malalaking sindikato hanggang sa maliliit na street pushers. Walang sinuman ang makakatakas sa batas, at sisiguraduhin naming ang mga sumisira sa buhay at komunidad sa pamamagitan ng ilegal na droga ay mahuhuli, kakasuhan, at mapapanagot,” sabi ng opisyal.

Upang higit pang patibayin ang kampanya, tinatapos na ni Brigadier Gen. Jason L. Capoy, ang bagong talagang officer-in-charge ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), ang kanyang panukalang anti-drug strategy na isusumite sa Chief PNP sa mga susunod na araw.

Layon nitong mapaigting ang kahusayan sa operasyon, intelligence gathering at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad.

Bagaman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pinamumunuan ni Director General Isagani R. Nerez pa rin ang pangunahing ahensya sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga, tiniyak ng PNP ang patuloy at mas pinatibay na koordinasyon at pakikipagtulungan sa PDEA upang masigurong mas malawak ang epekto ng mga operasyon sa ground level.

Hinihikayat din ng PNP ang bawat Pilipino na makiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at pagsasagawa ng ulat ukol sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa droga.

“Hindi lamang ito kampanya ng pamahalaan—ito ay laban para sa kinabukasan ng ating mga komunidad. Hindi aatras ang PNP. Magpapatuloy kami hanggang ang ating mga kalsada, mga pamayanan, at ang buong bansa ay ganap nang malaya sa salot ng ilegal na droga,” pagtatapos ni Marbil.