Kanlaon Volcano Source: FB post ni Allan Pandac

Posibleng itaas alert level sa Kanlaon Volcano

50 Views

POSIBLENG itaas ang alert level sa Kanlaon Volcano dahil sa pagtaas ng sulfur dioxide gas emission ng bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon kay Antonia Bornas, hepe ng Phivolcs’ Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, isa sa mga volcanic gasses ang sulfur dioxide na kanilang binabantayan dahil kapag ang magma malalim, hindi masyadong nakakawala ang volcanic gas mula dito.

Sinabi ni Bornas na ginagamit nila ang volcanic sulfur dioxide emission bilang batayan kung ang magma tumataas hanggang sa labi ng bulkan o kung nasa ilalim ito.

“Ito ang kinukuha nating batayan para masabi natin kung ano ang estado ng magma; kung ito ba umaakyat o dumadami sa ilalim ng bulkan. Kaya ‘pag mayroon tayong mataas na pagbuga ng sulfur dioxide, medyo nakakabahala na ito,” paliwanag ni Bornas.

Batay sa 7:00 p.m. advisory ng PHIVOLCS noong Miyerkules, nasukat ng ahensiya ang volcanic sulfur dioxide na may average na 11,556 tonelada kada araw.

Idinagdag ng ahensya na ito ang pinakamataas na emisyon mula sa bulkan na naitala nito mula nang magsimula ang instrumental gas monitoring sa Kanlaon Volcano noong 2009.

“Kanlaon has been degassing increased concentrations of volcanic sulfur dioxide this year at an average rate of 1,273 tons/day prior to the June 3, 2024 eruption, but emission since then has been particularly elevated at a current average of 3,565 tons/day,” batay sa advisory.

Pinayuhan ng Phivolcs ang publiko na iwasan ang paglapit sa bulkan dahil ang matagal na exposure sa volcanic sulfur dioxide emission maaaring maka-irritate sa mata, lalamunan at respiratory tract.

Bukod sa tumaas na sulfur dioxide emission, sinabi ng PHIVOLCS na nakapagtala rin ito ng 337 volcanic earthquakes sa Kanlaon Volcano.

Sa kasalukuyan, ang Bulkang Kanlaon nasa Alert Level 2 at ang aktibidad maaaring humantong sa eruptive unrest at pagtaas sa Alert Level.

Mula noon mahigpit na pinayuhan ang mga residente sa lugar na maging handa sa agarang paglikas at iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer permanent danger zone.