Valeriano

Posibleng pagsampa ng plunder case vs VP Sara, sang-ayon si Valeriano

Mar Rodriguez Oct 28, 2024
95 Views

SANG-AYON si Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano sa posibleng rekomendasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang Blue Ribbon Committee ng Kamara de Representantes, patungkol sa pagsasampa ng kasong plunder laban kay Vice President Inday Sara Duterte.

Nauna rito, ipinahayag ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. na lumutang ang posibilidad na masampahan ng plunder case si VP Sara bunsod ng patuloy na pagkabigo nitong maipaliwanag kung papaano at kung saan nito ginastos ang kaniyang confidential funds.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi maliit na halaga ang pondong inilaan kay VP Sara Duterte sapagkat umaabot ito sa P112.5 milyon na nakapaloob sa Department of Education (DepEd) na kinubra ng Bise-Presidente sa pamamagitan ng cash advances. Kung saan ang malapit na aide ni Duterte ang siyang kumuha ng nasabing pera para sa kaniya.

Muling kinuwestiyon ng kongresista ang Pangalawang Pangulo kung saan nito talaga ginastos at kung ano-ano ang mga pinagkagastusan ng kaniyang confidential funds dahil sa ginawang pagkubra ng kaniyang malapit na aide na si Edward Fajada.

Sinabi ni Valeriano na kailangang sagutin ni Duterte at bigyang linaw ang kuwestiyonableng paglalaan ng pondo na natuklasan mismo sa pagdinig ng Committee on Good Government noong nakaraang Oktubre 17 dahil ang kuwestiyonableng pondo aniya ay na-withdraw sa pamamagitan ng tatlong magkakahiwalay na cheke na may halagang P37.5 million bawat isa na inisyu naman kay Fafada na Special Disbursing Officer (SDO) ng DepEd.

Ayon pa kay Valeriano, ang mga nasabing cash advances ay ginawa sa unang tatlong quarter ng 2023 kung saan ito ang taon na nanunungkulan si VP Sara bilang Kalihim ng DepEd.

Dagdag pa ni Valeriano na obligadong magpaliwanag si VP Sara sapagkat pera aniya ng taongbayan ang pinagkuhanan ng confidential funds kaya sa ayaw at sa gusto nito ay kinakailangan niya talagang ipaliwanag kung papaano nito ginastos ang miyon pisong confidential funds.

Pagdidiin pa ng mambabatas na kung hindi maipapaliwanag ni VP Sara Duterte kung papaano nito ginastos ang naturang pera. Obligasyon naman aniya nilang mga kongresista na ituloy ang kinakailangang legal na hakbang kabilang na dito ang pagsasampa ng kasong plunder.