Imee Marcos

Presyo ng tinapay, noodles patatagin

276 Views

NANANAWAGAN si Senador Imee Marcos na humanap ang pamahalaan ng bagong supplier ng wheat o trigo at gumamit ng ibang sangkap sa paggawa ng harina bukod sa trigo.

Ito’y para maiwasan ang biglang pagsirit ng presyo ng tinapay at noodles na pangunahing pagkain ng mga nagtitipid na mga Pinoy.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang presyo ng tinapay at noodles ay mahahatak ng pabago-bago o di masigurong presyo ng trigo dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na mga pangunahing taga-suplay ng trigo sa mundo.

“Dahil umaasa sa angkat na trigo ang ating mga kababayang flour miller, tiyak na tataas rin ang kanilang gastusin sa produksyon ng harina na tiyak namang ipapasa rin sa mga gumagawa ng tinapay at mga mamimili,” paliwanag ni Marcos.

“Ang U.S. ang ating pangunahing tiga-supply ng trigo. Pero dahil sa mga pataw na parusa ng ibat-ibang Western nations sa Russia, maaring mapatid ang suplay ng trigo na magiging dahilan ng pagsirit ng presyo nito sa merkado, lalo na kapag bumwelta o gumanti ang Russia,” dagdag pa ni Marcos.

Ang Pilipinas ang isa sa sampung pangunahing bansa na umaangkat ng trigo sa Ukraine, kung saan natengga ang pagtatanim at pagbabarko nitong produkto dahil sa gyera.

“Dagdag pa dito ang mataas na presyo ng LPG (liquefied petroleum gas), kaya asahan na rin natin na magmamahal na naman ang presyo ng pandesal sa mga panaderya, at posibleng mawala na ang pamerye-meryenda,” ani Marcos.

Sumipa ang presyo ng trigo ng mas mataas sa 73% ngayong Byernes sa presyong $13.50 kada bushel mula sa dating $7.80 sa pagsisimula ng taong ito, at halos 43% mula sa pagsipa nito sa $9.47 noong Pebrero 24 noong umatake ang Russia sa Ukraine.

Ayon kay Marcos, may alternatibong pagkukunan ng trigo ang Pilipinas na mas malapit lang o sa China, makaraang alisin nito ang restriksyon sa mga ini-export ng Russia.

“Makipag-kasundo tayo sa China sa mas magandang presyuhan ng trigo, habang patuloy ang maaasahang pag-angkat ng supply mula U.S. at Australia,” paliwanag ni Marcos.

Daing pa ni Marcos, hanggang ngayon hindi pa rin binibigyang pansin ang potensyal ng mga non-wheat flour o harinang di gawa sa trigo para sa paggawa ng tinapay, kahit pa ginawa na ito sa Nutribun na “halos kalahating siglo na ang nakaraan,” ayon pa kay Marcos.

“Bakit nag-iimport pa rin tayo ng mga non-wheat flour mula sa Thailand at Vietnam kung pwede naman tayong magtanim at mag-ani ng sarili nating bigas, mais, kamote, patatas at munggo sa kapareho ring klima?” ani Marcos.

“Muli nating tuklasin at bigyang pansin ang non-wheat flour bilang solusyon hindi lang sa tumataas na presyo ng regular na harina kundi para rin sa kagutuman at malnutrisyon. Pwede pang payamanin sa protina mula sa mani at malunggay,” paghimok pa ni Marcos.