Fajardo

PRO-3: Ayaw namin ng marites, fake news sa JAFNA kami

Bernard Galang Apr 26, 2025
18 Views

CAMP OLIVAS, City of San Fernando–Nagpahayag ng buong suporta ang Police Regional Office (PRO)-3 sa Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) ng Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Robert Rodriguez na tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang paglaban sa disinformation.

Ang hakbang kasunod ng mga kumakalat na pekeng balita tungkol sa diumano’y pagdukot sa mga high-profile na negosyanteng Tsino na itinuturong dahilan para maghasik ng takot at kalituhan sa publiko.

Ang PNP, sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Group (ACG), nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon para matukoy at makasuhan ang mga nasa likod ng maling balita.

Ang JAFNAC itinatag upang palakasin ang kakayahan ng PNP na tugunan ang disinformation sa pamamagitan ng coordinated efforts, real-time monitoring at multi-sectoral approach sa mga platform ng telebisyon, radyo, internet, messaging at print (TRIMP).

Binigyang-diin ni PRO-3 director Brig. Gen. Jean Fajardo ang hindi matitinag na pangako ng rehiyon sa layuning ito.

“Ang PRO-3 naaayon sa mga layunin ng JAFNAC at nakatuon sa pambansang kampanya laban sa disinformation na sumisira sa kaligtasan at tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.

Nananawagan kami sa media, vloggers, at digital influencers na maging responsableng tagapangasiwa ng katotohanan,” ani Fajardo.

Nauna nang naglabas ng babala si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil laban sa mga nagpapakalat ng fake news.

Bilang suporta sa nationwide anti-disinformation drive, pinalakas ng PRO-3 ang cyber patrolling, pakikipag-ugnayan sa komunidad at pakikipagtulungan sa mga stakeholder upang matiyak na ang publiko makakatanggap ng totoong impormasyon.