Speaker Romualdez Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay inaasistehan nina Agusan Del Norte 1st District Rep. Jose “Joboy” Aquino at Senator Ramon “Bong” Revilla. Jr. sa pamimigay ng ayuda sa ilalim ng Integrated Scholarship and Incentives Program (ISIP) sa 2,000 kwalipikadong kabataan na benepisyaryo sa Philippine Science High School Gymnasium in Brgy. Tiniwisan, Butuan City. Nasa event din ang mahigit 60 House members na pinangungunahan nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez and Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe. Kuha ni VER NOVENO

Programang isinusulong ni PBBM nagbigay ayuda sa 7K magsasaka, estudyante, maliliit na negosyante sa Agusan del Norte

Mar Rodriguez Mar 22, 2024
154 Views

Speaker Romualdez Speaker Romualdez

UMABOT sa 7,000 kuwalipikadong residente ng Agusan del Norte, na binubuo ng mga magsasaka, estudyante, at maliliit na negosyante, ang tumanggap ng cash assistance at iba pang tulong mula sa mga programang isinulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng Kamara de Representantes alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nakasabay sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Agusan del Norte, ang pamimigay ng tulong sa ilalim ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM), Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth; at Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL).

Umabot sa 2,000 benepisyaryo ng FARM ang nabigyan ng tig-P2,000 financial assistance na mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development. Binigyan din ang mga benepisyaryo ng tig-limang kilong bigas sa isang simpleng seremonya sa Villa Paraiso Covered Court sa Barangay Ampayon, Butuan City.

Dumalo sa event sina Romualdez, Sen. Bong Revilla, Agusan Del Norte Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II at mahigit na 60 pang kongresista.

“Una sa lahat, maraming salamat po sa lahat sa inyong pakikiisa sa layunin ng pamahalaang Marcos na mapanatiling abot-kamay ng ating mamamayan ang bigas at iba pang mga pangunahing bilihin. Malayo po ang mararating ng inyong pakikibahagi ngayon,” ani Speaker Romualdez.

“Base sa mga pag-aaral, mas bumibilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin kapag tumataas ng presyo ng bigas. Ang paglahok ninyo sa programang FARM ay isa pang patunay na ang Pilipino nga ang pag-asa ng Bagong Pilipinas, ang adhikaing isinusulong ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr.,” wika pa nito.

Layunin ng programa na tulungan ang mga magsasaka at himukin ang mga ito na ibenta ang kanilang aning bigas sa National Food Authority (NFA) upang tumaas ang rice buffer stock ng bansa.

“Binuo natin ang programang ito para masuklian ang inyong kabayanihan, sa pamamagitan ng pagbigay ng tulong-pinansyal na maaari po ninyong magamit para maging mas masagana ang inyong ani sa mga susunod na taon,” saad pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Isinagawa naman ang ISIP for the Youth sa Philippine Science High School Gymnasium sa Barangay Tiniwasan, Butuan City.

Katuwang ang DSWD, Commission on Higher Education (CHED), at Department of Labor and Employment (DOLE) binigyan ng tulong ang mga mahihirap na estudyante.

Ang 3,000 benepisyaryo ay bibigyan ng tig-P2,000 cash aid kada anim na buwan. Binigyan din ng tig-limang kilo ng bigas ang mga benepisyaryo.

“Binuo po ang ISIP Program bilang tugon sa hinaing ng mga nagsusumikap na kabataan na makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng kakapusan. Bukas po ang programang ito sa mga estudyante ng kolehiyo, sa mga mag-aaral ng Alternative Learning System at sa inyo na kumukuha ng technical-vocational skills training,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Ang mga benepisyaryo ay isinali rin sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED para makakuha ng scholarship assistance na nagkakahalaga ng P15,000 kada taon. Ang mga magulang ng mga estudyante na walang trabaho ay maaari ring sumali sa DOLE-TUPAD Program.

“Kaiba po ang programang ito sa mga ibang scholarship programs, dahil hindi lang ang mag-aaral ang mabibigyan ng tulong. Alam po namin na may mahalagang papel ang magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Kaya po kasama din sila sa puwedeng mabigyan ng ayuda sa ilalim ng programa,” saad pa ni Speaker Romualdez.

“Ang ating pagkaka-buklod-buklod ay tumatayong matibay na patunay sa potensyal ng pagkakaisa. Dahil sa inyo, at sa pagsusumikap ng bawat mag-aaral sa programang ito, mas mabilis nating maisasakatuparan ang adhikain ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na Bagong Pilipinas,” sabi pa nito.

Sa ilalim naman ng SIBOL program, namigay ng tig-P5,000 halaga ng financial assistance ang DSWD AICS sa may 2,000 maliliit na estudyante sa Barangay Imedejas Covered Court sa Butuan City.

“Bawat isa sa atin, nag-aambag para makamit ang magandang kinabukasan. Kaya nga’t binuo natin itong programang SIBOL, bilang pagkilala at pagsuporta sa angking galing ng Pilipino na magtaguyod ng kabuhayan, hindi lang para sa sarili, kundi para sa ikalalago ng ating komunidad,” wika pa ni Speaker Romualdez.

“Ang hiling lang namin na sa inyong paglago, kayo din ay maging daan upang ang inyong mga kababayan ay mabigyan ng tulong. Kami naman po sa Kamara de Representante, sampu ng ating mga kasama sa Ehekutibo, ay hindi titigil sa pagi-isip at pagpapatupad ng mga programang tutugon sa inyong pangangailangan tungo sa inyong pag-unlad.”

Layunin ng programa na tulungan ang mga maliliit na negosyante. Binigyan din ang mga ito ng tig-limang kilong bigas.

“Sa aming pagbalangkas ng mga programang ito, baon namin ang ngiti ng bawat isa sa inyo – bagay na lalong magbibigay inspirasyon sa amin na lalo pang pag-ibayuhin ang pagtupad ng aming mga tungkulin,” dagdag pa ni Romualdez.