Proseso ng nasa ‘tempo’ status na TNVS maayos–LTFRB

Jun I Legaspi Oct 18, 2026
31 Views

INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maayos ang takbo ng proseso ng regularisasyon ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) partner na nasa “tempo” status.

Ito’y matapos mabigyan ng regularization status ang 638 aplikante sa ilalim ng programa alinsunod sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez.

Nagsimula noong Oktubre 8 ang pagtanggap ng aplikasyon para sa regularisasyon ng mga TNVS partner na may “tempo” status at magtatagal ito ng 30 araw.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua, Jr., umabot na sa 9,036 ang mga nag-apply hanggang Oktubre 16 at 638 ang nabigyan na ng Notice of Hearing at Provisional Authority.

“Umaapela kami sa natitirang TNVS partners na may tempo status na magsumite na ng kanilang aplikasyon sa lalong madaling panahon.

Iwasan na natin ang ‘mamaya na’ na gawi upang agad na maproseso ang inyong aplikasyon at upang mas maagang mapakinabangan ang mga benepisyo ng pagiging regular na TNVS partner,” dagdag ni Pua.

Ang programang ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang proteksiyon ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon, kabilang ang TNVS community.

Nilinaw ni Pua na ang 30-araw na palugit ay para lamang sa pagsusumite ng aplikasyon at ang mga makapagsusumite ng aplikasyon sa loob ng 30 araw mula Oktubre 8 ay kailangan na lamang maghintay ng Notice of Hearing.

Ang “tempo” ay kilalang gawain sa sektor ng transportasyon, partikular sa TNVS, kung saan ang ilang Transport Network Companies (TNCs) ay nagsasakay o nag-o-onboard ng mga TNVS unit sa kanilang digital platform kahit wala pa ang mga ito ng kinakailangang awtoridad mula sa LTFRB.

Layunin ng programang ito na tulungan ang libu-libong TNVS driver na walang ibang naging pagkukulang kundi ang umasa nang may mabuting loob sa kanilang onboarding at nagkaroon ng malaking obligasyong pinansyal bilang bahagi nito.

Hinimok din ng LTFRB chairman ang mga TNVS partner na may tempo status na samantalahin ang programa dahil layunin nito na tiyakin ang kanilang seguridad sa trabaho at kapakanan bilang bahagi ng pampublikong transportasyon.

Nanawagan din siya sa mga Transport Network Companies (TNCs) na huwag munang i-deactivate ang kanilang mga TNVS partner na may tempo status habang nagpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatili ang kanilang hanapbuhay.

“Ang pangunahing dahilan kung bakit natin ipinatutupad ang regularisasyon ng mga tempo TNVS partner ay upang matiyak na hindi nila mawawala ang kanilang trabaho at pinagkukunan ng kabuhayan,” paliwanag ni Acting Chairman Pua.

Muli ring tiniyak ng LTFRB ang buong suporta at tulong sa mga TNVS partner na nagsumite ng aplikasyon para sa regularisasyon ng kanilang “tempo” status.