Calendar
19 TNCs pinatawag sa di pagtupad sa taas-pasahe
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pangalagaan ang kapakanan ng sektor ng pampublikong transportasyon, naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ng Show Cause Order (SCO) laban sa 19 na platform provider ng ride-hailing services dahil sa hindi pagpapatupad ng inaprubahang taas-pasahe.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., ipinatawag ang mga TNC matapos makatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa TNVS drivers hinggil sa hindi pagpapatupad ng bagong pamasahe.
Noong Setyembre 28, ipinatupad ang bagong pamasahe para sa TNVS: ₱65 mula ₱45 para sa sedan, ₱75 mula ₱55 para sa AUV, ₱55 mula ₱35 para sa hatchback, at ₱165 mula ₱145 para sa premium TNVS.
Gayunman, iniulat na nanatili sa dating pamasahe ang ilang TNC sa halip na ipatupad ang aprubadong fare adjustment.
“Maaaring magtaka ang ating mga kababayan kung bakit kailangan pa nating ipatawag ang mga TNC na ito, sa halip na ipagpasalamat na hindi nagtataas ng pamasahe ang TNVS,” ani Acting Chairman Pua.
“Para sa kaalaman ng lahat, ang mga TNVS partner ang gumagastos sa gasolina at diesel, hindi ang mga TNC. Kaya kapag hindi ipinatupad ang taas-pasahe, ang mga driver ang direktang naaapektuhan, hindi ang mga TNC,” paliwanag niya.
Ayon kay Acting Chairman Pua, taliwas sa layunin ng fare increase ang hindi pagpapatupad nito, dahil layunin nitong makatulong sa lahat ng sektor ng pampublikong transportasyon, kabilang ang TNVS.
Sa SCO na nilagdaan ni LTFRB Legal Division Officer-in-Charge Atty. Ralph Aldrin Baguio, inatasan ang mga TNC na magpaliwanag sa loob ng three (3) working days mula sa pagtanggap ng kautusan kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang akreditasyon dahil sa umano’y hindi pagpapatupad ng aprubadong pamasahe.
Ayon sa LTFRB, ang patuloy na paniningil ng pamasahe na hindi naaayon sa aprubadong fare adjustment ay paglabag sa umiiral na mga alituntunin at regulasyon ng ahensya.
Itinakda ang pagdinig sa Oktubre 7.
“Ang hindi pagdalo sa pagdinig at hindi paghahain ng sagot ay maaaring ituring na pagtalikod sa karapatang marinig ang panig ng respondent at magresulta sa kaukulang parusa,” ayon sa kautusan ng LTFRB.
