Calendar
Dagdag-pasahe sa PUVs, epektibo sa Setyembre 28
INAPRUBAHAN ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ang fare adjustment para sa mga public utility vehicles (PUVs) na naantala noong Marso 2026, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at epekto nito sa sektor ng transportasyon.
Epektibo ang bagong pasahe simula Lunes, Setyembre 28.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan ng balanse sa pagitan ng pagpapanatili ng operasyon ng PUVs at kapakanan ng mga mananakay, habang tinitiyak ang sapat at maaasahang serbisyo sa transportasyon.
Mga bagong pasahe:
• Tradisyunal na jeepney: P14 minimum fare (mula P13), dagdag Php2 bawat susunod na kilometro.
• Modern jeepney: P17 minimum fare (mula P15), dagdag P2.40 bawat susunod na kilometro.
• UV Express: May umiiral na provisional fare increase.
• Bus, TNVS, at airport taxi: Sakop ng fare adjustment.
• Regular at premium taxi: Nananatiling nakabinbin ang mga petisyon.
“Itong umiiral na pamasahe sa PUVs ay hindi na sapat para sa maayos na kita ng ating mga driver at operator. Napapanahon na ang dagdag-pasahe upang masiguro na may sapat na PUVs sa kalsada at may masasakyan ang ating mga komyuter,” ani Lopez.
“Kayo po ang aming top priority sa lahat ng programang ipinatutupad ng DOTr. Salamat sa pang-unawa ng transport groups at mga komyuter,” dagdag ni Lopez.
Ang mga PUV na sakop ng fare adjustment ay obligadong mag-post ng updated fare matrix bago maningil ng bagong pasahe.
Ang 20% discount para sa estudyante, senior citizen, at PWD ay mananatiling ipinatutupad.
Kumpletong fare matrices ay maaaring i-download mula sa LTFRB website.
Pahayag ng pasasalamat
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang TNVS Community Philippines sa pagpapatibay ng fae adjustment para sa pampublikong transportasyon.
Ito ang buong pahayag:
Ang buong TNVS Community Philippines (TCP) ay buong pusong nagpapaabot ng aming pinakamataas na pagkilala at taos-pusong pasasalamat sa ating Punong Ehekutibo, Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang liderato at patuloy na paglingap sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Ang makasaysayang pagpapatibay sa kinakailangang fare adjustment ay isang malinaw na patunay na ang ating pamahalaan ay nakikinig at handang umalalay sa mga sektor na patuloy na nagsisilbi para sa ekonomiya at sa mamamayang Pilipino.
Nais din naming ipaabot ang aming taos-pusong pagkilala at pasasalamat kay DOTr Secretary Atty. Giovanni Banoy Lopez at LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua. Ang inyong bukas na pintuan, pagnanais na makipag-diyalogo, at mabilis na aksyon ay nagbigay ng patas at makatarungang desisyon para sa aming hanay. Salamat sa inyong pakikinig sa aming mga hinaing at sa pagkilala sa tunay na kalagayan ng mga drivers at operators sa kalsada.
Ang hakbang na ito ay hindi lamang tulong-pinansyal sa gitna ng mga pagsubok sa ekonomiya; ito ay isang malaking pagkilala sa halaga at dignidad ng bawat TNVS driver at operator na araw-araw na nagsisikap upang makapaghatid ng ligtas, maaasahan, at de-kalidad na serbisyo sa pampublikong biyahe.
Bilang pagtugon sa inyong positibong aksyon, ang buong sektor ng TNVS ay mas lalo pang magsusumikap at magkakaisa upang itaas ang antas ng aming serbisyo, tiyakin ang kaligtasan ng ating mga pasahero, at manatiling matatag na katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon sa buong bansa.
Maraming salamat po sa inyong tapat na paglilingkod at sa inyong walang sawang suporta sa industriya ng transportasyon.
Mabuhay ang Sektor ng Pampublikong Transportasyon!

