LTFRB

LTFRB sa PUV operators: Tiyaking maayos, ligtas na kondisyon mga sasakyan n’yo

Jun I Legaspi Oct 26, 2026
14 Views

PINAALALAHANAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator at driver ng mga public utility vehicles (PUVs) na tiyaking nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang mga sasakyan kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.

Ayon kay LTFRB acting chairman Atty. Greg Pua Jr., tungkulin ng bawat operator na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan alinsunod sa mga kondisyong nakasaad sa Certificate of Public Convenience (CPC) at iba pang awtorisasyon sa pagpapatakbo ng pampublikong transportasyon.

“Laging tandaan na hindi lamang pagdating sa kanilang destinasyon ang ipinagkakatiwala ng mga pasahero sa inyo, kundi pati ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan sa buong biyahe,” saad ni Pua.

Inaasahang dadami ang mga komyuter patungo sa mga lalawigan para sa Undas at mga planong magbakasyon simula sa October 30.

Naglabas ang LTFRB ng special permits para sa mahigit 1,200 pampasaherong bus sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay bumibiyahe mula Metro Manila patungo sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon.

Nilinaw ni Pua na hindi lamang sa mga pampasaherong bus nakatuon ang paalala ng LTFRB kundi maging sa iba pang uri ng pampublikong transportasyon, kabilang ang mga taxi, ride-hailing service at iba pang PUVs.

“Alisin na natin ang kaisipang ‘puwede pa ’yan.’ Buhay ng mga tao ang nakasalalay rito,” saad ni Pua.

Hindi lamang ang mga driver at pasahero ang nalalagay sa panganib kapag hindi maayos ang kondisyon ng mga PUV dahil maaari rin itong magdulot ng banta sa kaligtasan ng iba pang gumagamit ng kalsada.

“Maiiwasan natin ang mga ganitong kahihinatnan kung sisiguraduhin lamang nating tinutupad ang mga obligasyong ating pinangakong susundin noong nag-aaplay tayo para sa CPC at awtorisasyon sa pagpapatakbo,” saad ni Pua.