Calendar
LTFRB tinanggihan 2 aplikante ng MTPP
TINANGGIHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang aplikasyon para sa akreditasyon ng GrabBike at Dingdong RiderKo dahil sa hindi pagtupad sa mga kondisyon ng ahensya.
Nauna nang pinagkalooban ng pahintulot ang dalawang Motorcycle Taxi Platform Provider (MTPP) na lumahok sa pilot implementation ng motorcycle taxi sa Metro Manila, mga karatig-lugar, at iba pang urban area sa bansa.
Ayon kay Acting LTFRB chairman Atty. Greg Pua, Jr., natukoy sa pagsusuri na nabigo ang dalawang MTPP na patunayan ang tuloy-tuloy na operasyon, aktibong partisipasyon, at pagsunod sa Pilot Study.
Partikular na tinukoy ni Acting Chairman Pua ang Section 5 ng Department Order No. 2026-006, na nagtatakda ng mga patakaran sa operasyon ng mga MTPP.
“Malinaw sa kautusan na hindi saklaw nito ang mga MTPP na nag-expire na ang dating pahintulot para sa pilot implementation o hindi na aktibong lumahok at sumunod sa mga itinakdang kondisyon,” ani Pua.
Ipinaliwanag ni Pua na layunin ng mga kondisyong ito na matiyak na mga kuwalipikadong MTPP lamang ang papayagang mag-operate upang mapanatili ang maaasahan at tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga komyuter.
“Hindi puwedeng parang ningas cogon lang, dahil ang nakataya rito ay kapakanan ng mga komyuter,” ani Acting Chairman Pua.
Batay sa pagsusuri ng LTFRB, nabigo ang dalawang MTPP na patunayan ang tuloy-tuloy na operasyon ng kanilang motorcycle taxi service, aktibong partisipasyon, at pagsunod sa Pilot Study.
“Dahil dito, napipilitan ang Board na tanggihan ang inyong aplikasyon para sa akreditasyon bilang Motorcycle Taxi Platform Provider,” ayon sa liham ng LTFRB sa dalawang MTPP.
Binigyang-diin din ni Pua na ang pahintulot na mag-operate ay isang pribilehiyong may kaakibat na mga obligasyong dapat tuparin sa lahat ng oras.
