LTFRB

Marahas na driver walang lugar sa public transportation–LTFRB

Jun I Legaspi Aug 30, 2026
153 Views

WALANG lugar sa pampublikong transportasyon ang mga marahas na driver, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ipatawag ang operator ng taxi na sangkot sa road rage na viral ngayon sa social media.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., ikinabahala niya ang insidente kung saan tinangkang atakihin ng taxi driver ang driver ng isang delivery van bago paulit-ulit na hampasin ang van na nagdulot ng pinsala dito.

“Kami sa LTFRB ay lubos na nabahala sa marahas na pag-uugali ng taxi driver,” ani Pua.

Sa inilabas na show cause order (SCO), inatasan ang taxi operator na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang prangkisa niya dahil sa pagkuha ng naturang driver.

Itinakda ang pagdinig sa Setyembre 17 at pinagpapaliwanag sa operator ang buong pangyayari at ang naging aksyon niya bilang PUV operator.

Pinaalalahanan ni Pua ang mga PUV operator na maging maingat sa pagkuha ng mga driver at tiyaking responsable at karapat-dapat ang kanilang mga empleyado.

Pinasalamatan din niya ang mga netizen sa patuloy na pagsita at pag-uulat sa social media sa mga lumalabag na PUV driver.