Calendar
4 na sasakyan na sangkot sa banggaan inisyuhan ng SCO
IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator ng apat na public utility vehicle (PUV) na sangkot sa banggaan sa Ramon Magsaysay flyover sa Sta. Mesa, Maynila na ikinasugat ng 13 katao.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., naglabas na ang LTFRB ng show cause orders (SCOs) laban sa mga operator, kabilang ang dalawang pampasaherong jeepney at isang motorcycle taxi.
Inatasan din ni Pua ang mga kinauukulang insurance provider na sagutin ang mga gastusin sa ospital ng mga biktima at inatasan ang Regional Franchising Regulatory Office-Metro Manila na tiyaking maipatutupad ito.
Batay sa imbestigasyon, nawalan ng preno ang isang jeepney at bumangga sa isa pang jeepney na nagresulta sa sunod-sunod na banggaan at pagkakasangkot ng isang motorcycle taxi at isa pang sasakyan.
Inatasan ni Acting Chairman Pua ang lahat ng operator na magsumite ng nakasulat at notarized na paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang mga prangkisa.
Inatasan din ang operator ng nasabing jeep, gayundin ang tatlo pang operator, na isumite ang mga dokumento kaugnay ng pagpaparehistro at roadworthiness ng kanilang mga sasakyan sa Setyembre 10.
Samantala, ang operator ng pampasaherong jeep na umano’y naging sanhi ng aksidente ay nahaharap sa mga kaso kaugnay ng pagkuha ng reckless driver at kabiguang magbigay ng ligtas at komportableng pampublikong transportasyon.

