Lapid

PTGA: SB 1812 ni Lapid malaki matutulong para masugpo agri smuggling

289 Views

MILYONG tao ang nakadepende sa industriya ng tabako kasama na ang mga nasa trading, manufacturing at distribution. Naparakaraming magbebenepisyo kung ipapasa ang SB 1812 na naglalayong ituring ang smuggling ng tabako na pagsabotahe ng ekonomiya.”

Ito ang pahayag ng lider ng malaking grupo ng mga magsasaka matapos ibigay ang todo suporta nito sa panukala ni Sen. Lito Lapid na palawakin ang sakop ng batas kontra smuggling at magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga smugglers.
Ayon sa Philippine Tobacco Growers Association (PTGA), ang Senate Bill 1812 na inakda ni Lapid ay magiging malaking sandata ng gobyerno at ng mga magsasaka upang masugpo ang illegal na pagpupuslit ng mga produktong agrikultural sa kabila ng malawakang smuggling ng asukal, sibuyas at tabako sa bansa.

Ayon sa datos, ang patuloy na suliranin ng smuggling ay nakakaapekto sa pangkabuhayan ng may 700,000 magsasaka ng asukal, 35,000 nagtatanim ng sibuyas at 462,000 trabahador sa industriya ng tabako sa buong Pilipinas.

Ang PTGA na may 50,000 miyembro ay nanawagan sa Senado na pagtibayin ang panukalang batas ni Sen. Lapid na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sa panukala ni Lapid, palalawakin ang sakop ng RA 10845 para maisama ang tabako sa pangunahing listahan ng mga produktong agrikultural na nangangailangan ng sapat na proteksyon laban sa smuggling.

Sinabi ni PTGA president Saturnino Distor na ang lahat ng industriya sa agrikultura ay dapat iligtas sa malawakang pagpupuslit ng mga produkto na umaagaw sa pangkabuhayan ng milyun-milyong magsasakang Pilipino at kanilang pamilya.

“Milyong tao ang nakadepende sa industriya ng tabako kasama na ang mga nasa trading, manufacturing at distribution. Naparakaraming magbebenepisyo kung ipapasa ang SB 1812 na naglalayong ituring ang smuggling ng tabako na pagsabotahe ng ekonomiya,” ani Distor.

May 2.2 milyong Pilipino ang umaasa sa industriya ng tabako, ayon sa National Tobacco Administration. May lima hanggang anim na milyong tao naman ang nakikinabang sa industriya ng asukal, base sa tantiya ng Sugar Regulatory Administration.
Ipinaliwanag ni Distor na ang smuggling ay ikinalulugi mga magsasaka, pinapalitan ang mga lokal na ani at kalaunay nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga produkto sa merkado at nagpapahirap sa mga mamimili.

“Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng lokal na produkto ay lalong lumalaganap ang smuggling. Natatalo ang mga kababayan nating magsasaka sa kompetisyon kung ikukumpara sa presyo ng smuggled,” sabi pa ni Distor.

Base naman sa tantiya ng Bureau of Internal Revenue, ang patuloy na smuggling ng tabako ay nagnanakaw ng P50 bilyon hanggang P100 bilyon sa kita at buwis ng gobyerno kada taon.w

Sa pamamagitan ng SB 1812 at ng kahalintulad na House Bill 3917, and malawakang smuggling ng tabako, kabilang ang mga produkto tulad ng sigarilyo at heated tobacco products, ay ituturing na “economic sabotage” na may ampat na parusa at walang piyansa.

Partikular na nakatuon ang SB 1812 sa pag-amyenda sa Section 4 ng RA 10845 para magpataw ng pagkakakulong ng may 30 hanggang 40 taon at multa na doble sa kabuuang halaga ng buwis, taripa at iba pang gastos na nawala sa gobyerno dahil sa smuggling.

Ang kasalukuyang batas ay sumasakop lamang sa iilang produkto tulad ng asukal, bigas, mais, karne, bawang, sibuyas at iba pang gulay.