Suspek

Pumatay sa batang PWD, ina sinampahan ng double murder

Edd Reyes Nov 28, 2024
10 Views

SINAMPAHAN na ng two counts ng murder ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 6-anyos na batang lalaking person with disability (PWD) at 43-anyos na ina kamakailan sa Valenzuela City.

Tiniyak ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na matatag ang kasong isinampa nila laban kay Michael Francisco, 41, ng Obando, Bulacan.

Ayon sa hepe ng pulis, sapat ang mga nakalap nilang ebidensiya, kabilang ang testimonya ng mga testigo, ang pag-amin ng suspek na nakapatay siya ng mag-ina kaya’t nagtago siya, pati na ang kuha sa CCTV kung saan nakita siyang sinusundan ang mag-ina nang umalis at bumalik sa kanilang tirahan, laban sa suspek.

Nadiskubre ang bangkay ng mag-ina ng isa pang anak na babae ng biktima alas-8:30 ng gabi noong Nobyembre 19, 2024 nang umuwi ng bahay mula sa paaralan.

Lumabas sa resulta ng awtopsiya na namatay ang dalawang biktima dahil sa tindi ng palo ng matigas na bagay sa ulo ng mag-ina.

Sinabi pa sa pulisya ng isa sa mga testigo na bago nangyari ang pagpatay, pinilit pa ng suspek ang ginang na gumamit ng shabu.