QC cops sinakote 28 katao sa halo-halong kaso

297 Views

DINAMPOT ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang 28 mga suspek sa halo-halong kaso mula Biyernes hanggang Sabado ng hatinggabi.

Ayon kay QCPD Acting Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, mula alas-10:00 ng gabi ng Biyernes hanggang alas-12:00 ng hatinggabi noong Sabado, nagsagawa ng magkasabay na operasyon ang mga pulis-QC sa NIA Road sa Brgy. Pinyahan at Agham Road sa Brgy. Central, Quezon City.

Nadakip ang 28 katao sa bisa ng warrant of arrest para sa theft, reckless imprudence resulting in damage to property at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Nadakip din ang mga lumabag sa mga ordinansa ng lungsod at batas trapiko.

Hinuli ang mga lumabag sa ordinansa na nagbabawal sa pag-inom sa mga pampublikong lugar, walang suot na damit pang-itaas at mga lumabag sa batas trapiko kung saan isang motorsiklo ang na-impound.

Lahat ng lumabag sa ordinansa ng lungsod ay inisyuhan sa lugar ng mga Ordinance Violation Receipts (OVRs).

Kakasuhan naman ang mga drug suspect sa Quezon City Prosecutor’s Office habang ang mga naaresto sa bisa ng warrant ay nananatili sa kustodiya ng QCPD habang hinihintay ang pagbabalik ng kanilang mga kaso sa court of origin.