beneficiary Isa sa beneficiary ng fuel subsidy

QC solon namahagi ng P300 fuel subsidy sa 4,776 miyembro ng TODA sa kaniyang distrito

383 Views

DAHIL sa napakalaking dagok na idinulot ng sunod-sunod na “oil price hike” o ang walang habas na pag-sirit sa presyo ng gasolina para sa mga drayber ng pampublikong sasakyan inilungsad ni Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo ang P300 fuel subsidy para sa lahat ng miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) mula sa iba’t-ibang lugar na sakop ng Distrito Uno.

Sinabi ni Crisologo na 4,776 benepisyaryo mula sa iba’t-ibang TODA sa kaniyang Distrito ang makikinabang sa nasabing fuel subsidy. Magagamit umano ng mga tricycle driver ang “monthly fuel subsidy coupon” kahit sa pagkatapos ng eleksiyon.

Ipinaliwanag ng kongresista na puwedeng magpakarga ng P300 na gasolina ang mga tricycle driver na magagamit lamang sa loob ng isang buwan at muli silang makakatanggap ng panibagong coupon.

Nabatid din sa mambabatas na 30 TODA mula sa iba’t-ibang lugar sa Distrito Uno ang pinagkalooban ng mga fuel subsidy coupon na ipamamahagi naman nila sa kanilang mga miyembro.

Sinabi pa ng mambabatas na ang pamamahagi nila ng fuel subsidy ay kabilang sa programang isinusulong ng kanilang grupong Malayang Quezon City sa pangunguna ni QC Mayoral candidate at AnakKalusugan Party List Rep. Michael “Mike” T. Defensor.

Ang TODA umano sa Barangay Bago-Bantay ang may pinaka-maraming miyembro kung saan umabot sa isanglibo ang mga kasapi nito. Samantalang ang TODA naman ng Sgt. Rivera ay mayroon lamang dalawamput limang miyembro.

Labis na ikinatuwa naman ng isang miyembro ng Balinggasa TODA na nakilalang si Michael Lomotan, isa sa mga nabiyayaan ng fuel subsidy coupon, ang pamamhagi ng P300 fuel subsidy ni Crisologo.

Sinabi ni Lomotan na malaking tulong ang maibibigay nito para sa kaniyang kapwa tricycle driver dahil kakarampot na lamang ang kanilang kinikita sapul ng sunod-sunod na tumaas ang presyo ng gasolina.