basketball Thirdy Ravena : 23 points sa pagkatalo ng Pilipinas sa New Zealand. FIBA photo

Ravena: Proud pa din sa Gilas

Theodore Jurado Feb 28, 2022
415 Views

HINDI man naging maayos ang paghahanda, subalit para kay Thirdy Ravena, na isa sa mga kuminang para sa Philippines sa second window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers, ibinigay ng kanyang tropa ang lahat sa 63-88 kabiguan na nalasap mula sa kamay ng New Zealand noong Linggo ng gabi.

“It’s a learning lesson for all of us,” sabi ni Ravena, na tumipa ng 23 points, limang rebounds, limang assists, at limang steals sa pagkatalo.

“I’m very proud of how we fought given the very short amount of time that we were able to prepare for this window,” aniya.

Ang Gilas ay tumapos na may 1-1 marka sa second window matapos talunin ang India, 88-64, noong Biyernes.

Kinumpleto ng Tall Blacks ang three-game sweep ng second window makaraang makaulit sa Indians, 95-60, kahapon sa Smart Araneta Coliseum, na siyang nagbigay ng pag-asa upang maipanalo ang Group A.

Sa pagkadiskuwalipika ng South Korea, nakapuwesto na ang New Zealand, Philippines at India sa second round.

Automatikong pasok na bilang hosts ng 2023 edition kasama ng Japan, ginagamit ng Philippines ang Asian qualifiers upang makakuha ng karanasan.

“Obviously, after every game, especially after a loss we always feel that we could’ve done a little bit better,” sabi ni national coach Chot Reyes.

“The preparation certainly is very crucial. Like today, we still have a lot of things that we have to work on. The players are not yet familiar with each other,” aniya.

Ngayon lang hinawakan ni Reyes, na pumalit kay Tab Baldwin noong Enero, sina Ravena, Dwight Ramos at naturalized center Ange Kouame para sa Gilas.

“I think we will get better as time goes by but as he (Ravena) said, there are certainly a lot of bright spots. There’s a lot of things to build on and we just have to be able to put in the work,” sabi Reyes.

Lalaruin ang third window sa June 27 hanggang July 5, kung saan makakasagupa ulit ng Philippines ang New Zealand at India upang tuldukan ang kanilang kampanya sa first round.

Kontra sa Indians, pinantayan ni Tom Vodanovich ang kanyang 20-point output laban sa Gilas, habang sinundan ni Rob Loe ang kanyang 15-point outing kamakalawa sa pagkamada ng 18 markers para sa Tall Blacks.

Tinambakan rin ng New Zealand ang India, 101-46, sa second window opener noong Huwebes.