BDO Isang health center na itinayo ng komunidad para sa iisang layunin.

RHU rehabilitation program ng BDO Foundation pinapalaks mga komunidad

35 Views

MASISIKIP na waiting area, sirang mga gusali, at kulang sa bentilasyong mga silid-panggamutan—ito ang karaniwang tanawin noon sa lumang La Libertad Primary Care Facility (PCF). “Nagsisimula nang matuklap ang pintura at ramdam mong hindi na ito kaaya-ayang lugar para sa paggaling,” ani Eleanor Acabo, Branch Head ng BDO Network Bank sa Guihulngan, Negros Oriental, habang inaalala ang kanyang pagbisita sa naturang health center.

Bilang miyembro ng komunidad, naramdaman niyang kailangang kumilos at tumulong sa sarili niyang paraan. Ito ang nagtulak sa kanya upang irekomenda ang pasilidad para sa rehabilitasyon sa pamamagitan ng programa ng BDO Foundation.

Ang BDO Foundation, na siyang corporate social responsibility arm ng BDO Unibank, ay matagal nang nagpapatupad ng programang nakatuon sa rehabilitasyon ng mga health center sa bansa. Sa ngayon, mahigit 210 rural health units na ang kanilang na-renovate sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, at patuloy silang naghahanap ng mga bagong pasilidad na maaaring ayusin sa tulong ng mga sangay ng BDO at BDO Network Bank.

Pag-asa sa Likod ng Pagsusumikap ng mga Health Worker

“Sa kabila ng kalunos-lunos na kalagayan ng pasilidad, kitang-kita ang walang sawang serbisyo ng ating mga health worker. Tinitiyak nilang bawat pasyente ay napaglilingkuran,” dagdag pa ni Acabo.

Ang primary care facility ay nagsisilbing unang takbuhan ng mga residente pagdating sa regular na check-up, bakuna, at preventive health care. Sa kasamaang-palad, kadalasang kapos ang mga ganitong pasilidad sa pondo para sa pagkukumpuni, lalo na matapos tamaan ng mga kalamidad.

“Alam namin noon pa man na nararapat sa La Libertad ang mas maayos at mas ligtas na pasilidad. Ang bagong gawang health center ay hindi lang nagbibigay ng mas mahusay na serbisyong medikal, kundi nagsisilbi ring simbolo ng pag-asa para sa aming komunidad,” ani Acabo.

Nakikipagtulungan ang BDO Foundation sa mga lokal na pamahalaan upang maisakatuparan ang mga pagsasaayos ng health centers, na naaayon sa pangangailangan ng kanilang mga pasyente.

Nagkakaisang Lakas, Mas Malaking Resulta

Matapos ang ilang buwang pagtutulungan ng mga kawani ng health center, lokal na pamahalaan, at mga empleyado ng BDO Foundation at BDO Network Bank, matagumpay na na-rehabilitate ang La Libertad PCF, at handa na itong muling maglingkod sa higit 41,000 residente.

Tulad ng mga nakaraang proyekto, ang layunin ng foundation ay gawing mas komportable ang karanasan ng mga health worker at pasyente. Kabilang sa mga idinagdag sa pasilidad ay ang play area para sa mga bata at isang pribadong lugar para sa mga nagpapasusong ina—mga pasilidad na karaniwang makikita lamang sa mas malalaking health center.

“Ang bagong ayos na pasilidad ay higit pa sa isang gusali. Isa itong patunay ng tagumpay na maaaring makamit kapag nagtutulungan ang mga tao at organisasyon para sa iisang layunin,” pagtatapos ni Acabo.

Naninindigan ang BDO Foundation sa kanilang adbokasiyang suportahan ang mga health center at palakasin ang sistemang pangkalusugan ng bansa. Bago pa man ang turnover ng La Libertad PCF, matagumpay na rin nilang naipasa sa mga komunidad ang mga na-rehabilitate na pasilidad gaya ng Dauin Primary Care Facility, Mabinay Rural Health Unit, at Santa Catalina Rural Health Unit sa lalawigan ng Negros Oriental.
#BDOCares #HealthForAll #RuralHealthRehab