Calendar

Rigodon sa loob ng Gabinete ni PBBM dapat lamang para matanggal mga hindi napapakinabangan
PARA kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace S. Barbers, nararapat lamang na magkaroon ng rigodon sa Gabinete ni President Bongbong R. Marcos, Jr. upang maalis ang mga opisyal na hindi naman masyadong napapakinabangan.
Pagbibigay diin ng lead chairman ng House Quad Committee na tama lamang ang ginawa ni Pangulong Marcos, Jr. na balasahin ang kaniyang Gabinete para matanggal ang mga opisyal na hindi naman nakakatulong sa layunin ng Punong Ehekutibo.
Paliwanag ni Barbers na sa halip na maging “asset” ay nagiging “liability” pa umano ang mga Cabinet officials na sinasabi nitong “underperforming” o hindi naman talaga nagagampanan ng maayos ang kanilang mga trabaho bilang alter-ego ng Pangulo.
Sabi ng kongresista na may mga pagkakataon na “under-attack” ang Pangulong Marcos, Jr. mula sa kaniyang mga kritiko subalit nananatiling tahimik lamang ang ilan sa kaniyang mga Cabinet official kaugnay sa mga isyung ipinupukol ng kaniyang mga kalaban.
Dahil dito, muling pinuri ni Barbers si Pangulong Marcos, Jr. matapos nitong hilingin ang pagbibitiw ng lahat ng miyembro ng kaniyang Gabinete na sa palagay naman ng Mindanao solon ay magbibigay daan upang mapalitan ang mga underperforming.
Ayon kay Barbers, ang nasabing hakbang ng Presidente ay magbibigay ngayon sa kaniya ng kalayaan para palitan ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na maituturing na hindi mahusay ang kanilang performance sapul ng maluklok ang Pangulo.
Naniniwala din ang mambabatas na ito na ang pagkakataon ni Pangulong Marcos, Jr. upang iluklok ang mga opisyal na sa tingin nito ay hindi matatawaran ang kanilang credentials, integrity at tunay na magsisilbio sa kapakanan ng taongbayan.