abraham

Ronda Pilipinas, aprubado ng GAB

244 Views

SA pagsisimula ng pagbangon ng bansa mula sa pandemya ng COVID-19, nagpaabot ng pasasalamat ang Ronda Pilipinas sa mga hakbang ng gobyerno para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin para ayudahan ang pagpapatuloy ng sports.

Ayon kay Ms. Bernadeth A. Guerrero, Project Director ng Ronda Pilipinas, kaisa sila sa pagsusulong ng malusog na pamumuhay ng mga Pilipino at sa pag-asang balang araw ay maibabalik ang lahat sa normal.

Matapos ang isang taong pahinga, ipagpapatuloy ng LBC Ronda Pilipinas ang mga karera sa sisikad na 2022 season sa darating na Marso 9-2. May kabuuang 13 koponan na binubuo ng walong siklista ang maglalaban-laban para sa 10-yugto, 12-araw na pagpedal sa kalsada ng mga pangunahing lungsod at lalawigan sa Luzon katulad ng: Sorsogon, Legazpi, Naga, Daet, Lucena, Tagaytay, Cabanatuan, Baler, Echague (Isabela), Santiago at Baguio.

Pinapurihan naman ni GAB Chairman Abraham Kahlil “Baham” Mitra ang mga opisyal sa likod ng LBC Ronda Pilipinas sa patuloy na pangunguna sa taunang propesyonal na road cycling competition sa Pilipinas. Sa mga karera nito na lubos na mapagkumpitensya, nakatulong ito sa pagtuklas ng mga talent at world class pro cyclists.

Sa kabila ng mga hamon na dala ng pandemya ng COVID, hindi tumigil ang LBC Ronda Pilipinas sa pagbibigay ng isang kapana-panabik at inaabangan na cycling spectacle.

Sa virtual na pagpupulong na ginanap nitong Pebrero 21, sa pangunguna ni Mitra kasama ang mga organizer at kalahok ng 2022 LBC Ronda Pilipinas, tinalakay ang mga kinakailangan sa paglilisensya at health protocols bilang paghahanda sa darating na season.

Binigyang-diin ni Mitra ang propesyonalismo sa lahat ng kalahok kung saan sasailalim sila sa isang seminar tungkol sa Code of Ethics and Conduct for Professional Athletes and Officials at ang Panunumpa bago ang event. Pinaalalahanan niya ang lahat na ang lisensya ng GAB ay isang pribilehiyo lamang at hindi dapat abusuhin, kung hindi, maaari itong suspindihin o bawiin sakaling magkaroon ng mga reklamo o kung mapatunayang nagkasala ng paglabag.

Hinimok din ni Mitra ang lahat na ipagpatuloy ang mahigpit na pagsunod sa mga health protocols para sa ligtas na pagsasagawa ng sports. Ni Edwin Rollon