Calendar

Sa Mayo 13 may P20/kilo rice na sa 12 KADIWA ng Pangulo Centers
LABING-dalawang KADIWA ng Pangulo (KNP) centers sa Metro Manila at mga probinsiya ang magsisimula nang magbenta ng P20 per kilo ng bigas sa Mayo 13, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Naunang inilunsad ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!” noong Mayo 1 sa Cebu City at itinakda ito sa six-month pilot sa Visayas.
Pinalawig ito sa utos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ipapatupad ito hanggang sa pagtatapos ng termino ng Pangulo sa 2028.
“As promised, the sale of P20 per kilo rice, which was initially launched on Labor Day, will resume right after the midterm elections.
We had to temporarily pause the rollout in compliance with the Commission on Elections’ advice to honor the 10-day spending ban starting May 2,” ani DA Secretary Francisco Tiu Laurel.
Dinipensahan ni Tiu Laurel ang inisyatibo laban sa mga kritiko ito dahil sa kabila ng mga batikos, ipapatupad nila ito.
Hindi lamang layunin ng inisyatibo na mabigyan ng pagkakataon ang mga konsumer na makabili ng murang bigas kundi mabawasan ang laman ng mga bodega ng National Food Authority (NFA) at makakabili pa ng mas mataas na halaga ng palay mula sa mga magsasaka.
Habang ang programa ay nakatuon lamang sa Visayas subalit batay sa pagsusuri sa pondo ng DA at ang stock ng NFA, maaari na itong mapalawig sa ibang rehiyon kabilang na ang Metro Manila at karatig na probinsiya, sa pamamagitan ng mga KADIWA center at lokal na pamahalaan na kasama sa national food crisis emergency initiative.
Sa ilalim ng pilot test, magbabahagi ang lokal na pamahalaan ng halagang P13 kada kilo subsidy sa Food Terminal Inc.(FTI) ng DA.
Ang mga lokal na pamahalaan ang tutukoy kung sino ang maaaring benepisaryo.
Kabilang sa maaaring bumili ng halagang P20 kada kilo na bigas ang mga vulnerable group kabilang na ang mga solo parent, persons with disabilities, senior citizen at benepisaryo ng 4Ps program.
Dahil lumawak ang lugar na sakop ng pilot run, napagdesisyunan ng DA na i-adjust ang buwanang limit sa 30 kilos kada household, sa parehong level na itinakda para sa KADIWA P20 rice program.
Kinumpirma naman ni Genevieve Velicaria-Guevarra, Agriculture Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumers Affairs at siyang namamahala sa KADIWA program, na mayroon 32 na KADIWA centers sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Mindoro, and Rizal ang magsisimula namang magbenta ng subsidized rice sa Mayo 15.
Inaasahang aabot sa dalawang milyong household o sampung milyong Pilipino ang makikinabang sa pilot run na tatagal hanggang Disyembre at sinisiguro na abot-kaya at magandang kalidad ng bigas ang mabibili nila.