Bomb Agad nag-inspect ang mga pulis at Philippine Coast Guard personnel K9 unit sa loob at labas ng Supreme court at Court of Appeals matapos palabasin ang mga empleyado dahil daw sa bomb threat pero ‘unannounced fire at bomb threat evacuation drill’ lang pala. Kuha ni JONJON C. REYES

SC, CA workers nabulabog sa ‘bomb threat’ na fire drill pala

Jon-jon Reyes Aug 29, 2024
83 Views

Bomb1Bomb2Bomb3Bomb4BINULABOG ng bomb threat ang mga empleyado ng Korte Suprema at Court of Appeals noong Huwebes kaya pinalabas sila para i-clear ang mga areas pero nalaman na ‘unannounced fire at bomb threat evacuation drill’ lang pala iyon.

Bandang alas-2:45 ng hapon ng isa-isang lumabas ng gusali ang mga empleyado at nagtungo sa Paco Park bilang evacuation ground sa panahon ng kalamidad tulad ng lindol.

Dumating din sa SC at CA ang mga pulis at bomb squad ng Manila Police District (MPD) maging ang K-9 unit ng Philippine Coast Guard (PCG) para halughugin ang buong gusali ng dalawang korte.

Isinara rin sa mga sasakyan ang Padre Faura St. kaya hindi nakadaan ang mga motorista at nagdulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Taft Avenue.

Kalaunan, napag-alaman na isa lamang pala itong ‘unannounced fire at bomb threat evacuation drill.’

Hindi rin alam ng mga rumespondeng pulis at coast guard na drill lang iyon.

Tanging ang en banc lamang ang nakakaalam na ang isang bomb threat drill lang pala.

“The Acting Chief Justice, with the approval of the en banc, conducted an unannounced fire and bomb threat evacuation drill at the Supreme Court and Court of Appeals today, August 29, 2024, at around 2:45 p.m.,” ayon kay Atty. Camille Sue Mae Ting, tagapagsalita ng Supreme Court.