MRT3

Segregation scheme ibabalik ng MRT-3

203 Views

SIMULA sa Agosto 21 ay muling ipatutupad ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) ang segregation scheme ng mga pasahero upang mas makapagbigay-gaan sa mga priority passengers gaya ng senior citizens, buntis at mga babaeng magbabalik sa paaralan.

Ang unang dalawang pintuan ng unang bagon ng tren ay ilalaan para sa mga pasaherong senior citizens, PWDs, buntis, at may kasamang bata. Samantala, nakalaan ang huling tatlong pintuan ng unang bagon para sa mga babaeng pasahero, kasama ang mga babaeng estudyante.

Ang ikalawa at ikatlong bagon ng tren ay bukas para sa lahat na uring pasahero.

Samantala, ipinaalala ng MRT-3 na maaaring makakuha ng 20% fare discount sa pagsakay ang mga estudyante.

Kailangan lamang ipakita ang valid student ID o orihinal na enrolment/ registration form sa pagbili ng Single Journey Ticket sa mga ticketing booth ng istasyon.

Ang biyahe ng mga tren ng MRT-3 ay nagsisimula ng alas-4:38 ng umaga sa North Avenue station at alas-5:19 ng umaga naman mula sa Taft Avenue station.

Ang huling biyahe ng tren ay aalis ng North Avenue station ng ika-9:30 ng gabi at mula sa Taft Avenue station ng ika-10:09 ng gabi.