Revilla

Sen. Revilla: Accessibility Law dapat rebisahin

89 Views

PINAREREBISA ni Sen. Bong Revilla Jr. ang Batas Pambansa 344 o ‘Accessibility Law’ na nagmamandato sa mga gusali, institusyon, establisyemento at mga public utilities na maglagay ng mga pasilidad upang mapagaan ang pagkilos ng mga taong may kapansanan o Persons With Disabilities (PWDs).

Sa Senate Resolution No. 1077, hiniling ni Revilla sa komite sa Senado na suriin kung gaano kaepektibo ang pagpapatupad ng 40-anyos na batas.

Ayon kay Revilla, malaking hamon ang pagpapatupad ng batas para sa accessibility ng mga PWDs.

May mga gusali at imprastraktura pa rin na hindi sumusunod sa standards para mapagaan ang sitwasyon ng PWD na napakahalaga para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.

“Gusto natin i-audit ang mga pasilidad kung compliant ba sila sa batas na ito. Remember, this is a law. It is required for them to provide facilities that are accessible for the use of PWDs,” saad ni Revilla.

Ipinatupad ang batas noong Pebrero 25, 1983 sa ilalim ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Pagkalinga ito sa kapakanan ng PWD upang buong-buo silang makasabay sa iba’t-ibang aspeto ng daloy ng buhay at sa paghubog sa lipunan kung saan sila kabilang.