Risa

Sen. Risa: Imbestigahan collab ng water districts, private firms

19 Views

NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ng imbestigasyon hinggil sa umano’y iregular na mga kasunduan sa pagitan ng mga local water districts at mga pribadong kompanya.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 1352 na kanyang inihain, hinimok ni Hontiveros ang Senate Committee on Public Services na siyasatin ang legalidad, transparency at economic significance ng mga joint venture agreements (JVAs) sa sektor ng tubig batay sa mga natuklasan ng Commission on Audit (COA).

Binigyang-diin ni Hontiveros na maraming puna ang COA sa mga JVAs tulad ng kawalan ng patas at bukas na proseso sa pagpili ng mga katuwang sa proyekto na maaaring lumabag sa mga prinsipyo ng procurement at mauwi sa mga kontratang lugi ang mga water district.

Ipinunto rin sa audit reports ang malabong mga termino ng kasunduan. Dagdag pa rito, isinaad sa resolusyon na kulang sa regulasyon ang mga umiiral na JVAs.

Bukod sa hindi bukas na financial reporting at kakulangan sa access sa mga dokumento, wala ring malinaw na awtoridad na may mandato sa pagtatakda ng taripa.

Marami ring kontrata ang hindi sumusunod sa limang-taong performance at tariff reviews na dapat isinasaalang-alang ang mga nagbabagong sitwasyon.

Sinabi ni Hontiveros na maraming water district ang walang sapat na kapasidad upang makipagkasundo sa mga komplikadong panukalang pinansyal, isang dahilan upang mapaboran ang mga pribadong kumpanya.

Dagdag pa sa problema ang kawalan ng malinaw na legal na remedyo sa oras ng sigalot na nauuwi sa pagkaantala o aberya sa serbisyo.