Kamara

Senado obligadong litisin VP Sara

40 Views

Alinsunod sa Konstitusyon — House Spox

INIHAYAG ng tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na alinsunod sa Saligang Batas, obligado ang Senado na litisin at desisyunan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, kahit pa tumawid ito sa 20th Congress.

“Ang importante sa Kamara ngayon, masimulan ang impeachment trial. Ang nakalagay naman sa Konstitusyon ay to try and decide. Hindi naman sinabi doon kung anong Congress ang magde-decide,” ani House spokesperson Atty. Princess Abante sa isang media briefing sa Kamara.

Binigyang-diin ni Abante ang kahalagahan na masimulan na ng Senado ang paglilitis.

“So, we are waiting, the public is waiting, the country is waiting, not just the House of Representatives. So, we will see what will happen today and tomorrow,” aniya.

Tumugon din si Abante sa puna ng ilan na tila pinapatagal ng Senado ang proseso.

“Well, pagdating sa usapin ng dragging its feet, may kanya-kanyang role ang House of Representatives at Senate ayon sa Constitution pagdating sa impeachment process,” paliwanag niya.

“Ang klaro na ginampanan ng House of Representatives ang kanyang tungkulin ayon sa Constitution, kasama dito ang pagtanggap ng reklamo to validate and verify the complaint on its form, substance and grounds,” dagdag pa niya.

“Na-transmit. ‘Yung sunod na hakbang ay para sa Senado naman sinasabi nga to try and decide forthwith,” pahayag niya.

Iginiit ni Abante, nang maipadala na ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado ay wala na ito sa kanilang hurisdiksiyon.

“Wala na kaming sakop doon sa gagawin ng Senado. Ang nakalagay naman diyan kung ano ‘yung inuutos ng Konstitusyon— hindi ng Kamara, hindi ng kung sinoman, kung hindi ng Konstitusyon,” aniya.

Sa pahayag naman ni Senate President Chiz Escudero na tila natagalan ang Kamara sa pag-aksyon, sinabi ni Abante na ginampanan ng Kamara ang tungkulin nito.

“All these were done by the House of Representatives in a timely and decisive manner. Kung gaano katagal o kung gaano kabilis, hindi na ‘yan kasama sa kailangan alalahanin ng Senado,” aniya.

Ipinaliwanag din niya na tiniyak ng Kamara na nasunod ang due process sa loob ng makatwirang panahon.

“Two months, so para sa akin sa pag-i-ensure na maayos ‘yung proseso. But again, it’s relative, ‘di ba, ‘yung oras,” dagdag niya.

Tumanggi rin si Abante na magbigay ng komento hinggil sa mga argumento ng depensa ni VP Duterte laban sa impeachment na hindi umano dapat gamitin ang proseso bilang sandata laban sa mga kalaban sa pulitika.

“I understand that there’s already a petition filed before the Supreme Court precisely kung ano ‘yung binabanggit ng defense team. I cannot comment on that,” aniya.

Gayunpaman, hinimok ni Abante ang legal team ng Pangalawang Pangulo na iharap ang kanilang depensa sa tamang forum.

“Siguro ‘yung mga defenses nila kailangan sa trial na nila i-present,” sabi ni Abante.

Pagdating naman sa pahayag nina Sen. Robin Padilla at Sen. Bato Dela Rosa na maaaring magdulot ito ng pagkakawatak-watak ng bansa, nanindigan si Abante na kailangang masimulan ang trial.

“Well, ang impeachment trial provided ito ng Constitution, merong mga dahilan para pagdaanan ito,” ani Abante.

“Kung siguro unnecessary ang mga impeachment proceedings in all governments, dapat wala ito sa Constitution, di ba?” dagdag niya.

“So ako, tingin ko kailangan munang masimulan at ang ating mga Senator-judges makinig do’n sa paglahad ng mga ebidensiya,” pahayag ni Abante.

“Sa ngayon kailangan masimulan ang impeachment trial, mabigyan ng pagkakataon na mai-present ang mga ebidensiya at meron din namang pagkakataon para masagot ito ng defense,” dagdag pa niya.