Calendar

Senado tinanggap kondisyonal na pagdalo ng abogado ni VP Sara sa impeach court
PORMAL nang tinanggap ng Senado, na kasalukuyang nagsisilbing Impeachment Court, ang kondisyunal na paglahok ng mga abogado ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.
Ang dokumento, na pinamagatang “Appearance Ad Cautelam,” ay inihain ng Fortun Narvasa & Salazar at naitala ng Senate Clerk of Court bandang 5:03 n.g. nitong Hunyo 16, 2025.
Sa nasabing pagsusumite, iginiit ng law firm na kanilang kinakatawan ang Pangalawang Pangulo “without prejudice to any jurisdictional and/or other objections” na maaaring ilahad sa pag-usad ng mga pagdinig.
Sa madaling sabi, bagaman sila’y makikibahagi sa proseso, nananatiling bukas ang kanilang karapatang kuwestyunin ang legalidad o pormal na batayan ng impeachment.
Ang entry of appearance ay nilagdaan ng labing-anim na abogado:Philip Sigfrid A. Fortun,Gregorio Y. Narvasa,Sheila C. Sison,Carlo Joaquin T. Narvasa,Roberto N. Atungbacal,Justin Nicol B. Gular,Lindon Miguel B. Jacqueel,David Ronell M. Golla VII,Maria Selene Golda R. Fortun,Claraine F. Radoc,Francesca Marie F. Flores,Miguel Carlos A. Fernandez,Michael Wesley T. Poa,Reynold S. Munsayac,Mark C. Vinluan,at Ralph B. Bodota
Batay sa isinumiteng dokumento mula sa Makati City, detalyado rin nitong inilakip ang kredensyal, roll number, at MCLE (Mandatory Continuing Legal Education) compliance ng bawat lumagda.
Samantala, isang kopya ng dokumento ang isinumite rin sa House of Representatives dakong 3:42 n.h. sa parehong araw.
Gayunpaman, isang sulat-kamay na tala ang nakasaad sa dokumento na nagsasabing ang Kamara ay “refuse[d] to receive” ito.
Sa kabuuan, ito ang kauna-unahang pormal na hakbang ng legal team ni Pangalawang Pangulo Duterte sa harap ng Senado bilang bahagi ng impeachment proceedings.
Inaasahang magsusumite pa sila ng mga legal na argumento, kabilang ang posibleng pagtutol sa hurisdiksyon ng hukuman.