Gatchalian

Senador kinondena hazing sa UP Diliman

210 Views

HINIMOK ng senador ang pamunuan ng pamantasan na tiyaking mananaig ang batas o Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053) laban sa sino mang mapapatunayang sangkot sa naturang insidente. Hinimok din ni Gatchalian ang pamantasan na paigtingin ang kampanya nito laban sa hazing at tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mga mag-aaral.

Noong Hulyo 3, lumabas sa isang serye ng mga tweets sa nasuspindeng account na @UPSILONLEAKS ang mga video at larawan ng umanoy insidente ng hazing. Bagama’t nasuspinde ang naturang account dahil sa paglabag sa community standards, isang panibagong account ang nag-post ng mga video at larawan ng naturang insidente. Kinundena rin ng naturang account ang tinawag nitong pattern ng pagtatakip sa mga karahasang kinasasangkutan ng mga fraternity sa loob ng pamantasan.

Bagama’t walang mag-aaral ng UP ang nakita sa mga video at larawan na kasangkot, tiniyak ni UP Diliman Chancellor Dr. Fidel Nemenzo na ang pamantasan ay makikipagtulungan sa mga student organizations upang matiyak ang kawastuhan ng nakalap na impormasyon.

“Walang lugar ang ganitong uri ng karahasan sa ating mga pamantasan. Kailangan nating panagutin ang sino mang mapapatunayang may kinalaman sa insidenteng ito at ipakita sa kanilang hindi nila matatakasan ang batas,” ani Gatchalian, co-author at co-sponsor ng Anti-Hazing Act of 2018.

Ipinagbabawal ng batas ang lahat ng uri ng hazing sa mga fraternities, sororities, mga organisasyon sa loob ng paaralan, at pati na rin sa citizens’ military training at citizens army training. Ipinagbabawal din ang hazing sa mga fraternities, sororities, at mga organisasyon na hindi bahagi ng mga paaralan, kabilang ang mga community-based at iba pang mga organisasyon.

Mandato ng mga paaralan sa ilalim ng batas na paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa mga mag-aaral mula sa mga panganib na dulot ng pakikilahok sa hazing.

Sino mang lalahok at magpa-plano ng mga hazing activities na magdudulot ng kamatayan, rape, sodomy, at mutilation ay hahatulan ng reclusion perpetua at pagmumultahin ng tatlong milyong piso.