Sia

Sia, ka-tiket ni Yorme Isko, kumpiyansang maipo-proklama ng Comelec

Edd Reyes May 14, 2025
57 Views

KUMPIYANSA si 2nd District Councilor Darwin Sia na maipo-proklama rin siya bilang nagwaging kandidato ng Commission on Elections (Comelec) sa oras na mailabas ang inihain niyang Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema.

Si Sia, na nasa tiket ni Mayor-elect Isko Moreno na nakahakot ng pinakamaraming boto sa ikalawang distrito, ay kabilang sa 19 na mga nagwaging kandidato na sinuspinde ang proklamasyon bunga ng kinakaharap na kaso.

Nauna ng kinatigan ng Comelec en banc ang kanselasyon ng certificate of candidacy (COC) ni Sia bunga ng umano’y material misrepresentation o hindi paglalagay na siya ay nahatulan sa kasong paglabag sa Anti-Pilferage Act na may katapat na parusang pagmumulta ng P10,000.

Sa paglalahad ni Sia sa kanyang opisyal na Facebook account, pinasalamatan niya ang aniya ay matatalinong mga residente sa kanyang distrito na hindi inalintana ang ginawang paninira sa kanya at sa halip, sinuri at tiningnan ang mga nagawa ng isang public servant na nagseserbisyo at naglilingkod kahit hindi panahon ng halalan.

“Kayo po ang nagtaas ng antas ng pagpili ng mga manunungkulan po dito sa ating distrito at sa buong Maynila. Overwhelming ang ibinigay ninyong suporta kay Yorme at sa akin. Hindi ko inaasahang mag-number one tayo sa kabila ng mga paninira at patuloy na naninira hanggang ngayon,” pahayag ni Sia.

Binigyang diin ng konsehal na kinilala na rin ng Comelec ang kanyang pagkapanalo sa pamamagitan ng ipinakitang sertipiko na may lagda ng mismong Chairperson, Vice Chairperson at isa pang miyembro ng Comelec at ang tanging kulang na lang ay ang proklamasyon.

“Huwag kayong mag-alala, hindi masasayang ang boto ninyo sa amin ni Mayor Isko, naniniwala tayo na makakakuha po tayo ng TRO. Sa ating muling pag-upo, mas gagalingan ko pa po ang pagtatrabaho at pagkakaloob ng wastong serbisyo kahit hindi panahon ng halalan,” sabi pa ni Sia.