Sindikato may kinalaman sa nawawalang 31 sabungero?

260 Views

ISA sa mga tinitingnang anggulo ngayon ng police investigators hinggil sa mga nawawalang sabungero ay ang grupo ng isang sindikato umano ng mga financiers matapos tumestigo ang isang ginang sa Senate inquiry noong nakaraang linggo.

Ayon kay Geralyn Magbanua, asawa ng nawawalang sabungero na si Manny Magbanua, suspetsa niya na may kinalaman ang may-ari ng breeding farm ng mga manok na panabong sa Tanay, Rizal sa pagkawala ng kanyang mister at isa pang kasamahan.

Ani Geralyn kay Senate Committee on Peace and Order and Dangerous Drugs Chairman Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ilang linggo pa lang nagtatrabaho bilang “handler” ng mga manok ang mister niya.

Gabi ng January 12, 2022 ng ipasundo umano ang mister niya na si Manny para bumitaw ng manok ng amo sa sabong kinabukasan sa Sta. Cruz, Laguna.

“Ang pinagtataka ko lang po walang gustong sumama kahit isa sa mga tauhan sa farm kaya napilitan po siyang sumama pa rin sa Sta. Cruz, Laguna”, kuwento pa ni Ginang Magbanua kay Sen. Dela Rosa.

Nang tanungin ni Sen. Dela Rosa si Aling Geralyn, “Honest opinion mo, tingin mo ba siya ang sa likuran ng pagkawala ng asawa mo at mga kasamahan niya”?

“Tingin ko po parang siya….kasi siya po ang financier na nag-aano sa mga tauhan”, ang tugon ng maybahay ng nawawalang sabungero.

Batay sa kwento ni Ginang Magbanua kasama ng mister niya si Marvin Flores na nawawala rin hanggang ngayon. Ayon sa mga otoridad hindi na rin nila matagpuan ang financier ngayon.

Ayon sa isang imbestigador ng PNP CIDG, , isa nga sa tinitignan nilang anggulo sa pagkawala ng 31 na sabungero ay isang malaking sindikato na sangkot sa “panto-tyope sa online sabong na posibleng inonse naman ng mga nawawalang mga tao”.

Ayaw pang magbigay ng komento ng PNP hinggil sa nasabing anggulo at pahayag ni Ginang Magbanua.