Hostage Source: PTV4

Sinibak na sikyu nang-hostage ng 3 kapitbahay para mabalik sa trabaho

Edd Reyes Sep 8, 2025
303 Views

GINAWANG hostage ng isang security guard ang tatlo katao, kabilang ang 11-anyos na batang lalaki, kanyang yaya, at 19-anyos na dalaga Lunes ng umaga sa Caloocan City.

Sa ulat na ipinarating ni Northern Police District (NPD) Directo P/BGen. Jerry Protacio kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Anthony Aberin, pinasok ng sekyu na si alyas “Jessie” ang bahay ng mga biktima na kanyang kapitbahay sa Alibangbang St., Brgy 179, Amparo, dakong alas-7:00 ng umaga habang armado ng kalibre .38 revolver.

Inamin ng ina ng suspek sa pulisya na desperado ang kanyang anak dahil sinibak sa trabaho makaraang matuklasan na nagdadala siya ng ilegal na droga.

Ginawang hostage ng suspek ang tatlo habang hinihiling na ibalik siya sa trabaho at payagan ding makauwi sa kanilang lalawigan sa Mindanao.

Tumagal ang pangho-hostage ng suspek sa mga biktima ng ala-1 ng hapon bago nakumbinsi ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na pakawalan na ang mga biktima at siya na lamang ang ipalit na bihag.

Sumang-ayon ang suspek matapos pangakuan na ibibigay rin ang kahilingan na get-away vehicle at isang armalite rifle.

Gayunman, nang papalabas na para sumakay sa kanyang get-away vehicle ang suspek, nakakuha ng tiyempo ang mga naka-civilian na miyembro ng SWAT team at kaagad siyang dinamba hanggang maagaw ang hawak na baril.

Ang hindi alam ng mga pulis, may patalim ring dala ang suspek kaya’t nagawang saksakin sa kamay ang isang pulis na umagaw ng baril na dahilan para siya barilin ng mga otoridad na tumama sa kanyang paa at likod.

Isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang suspek, pati na ang yaya na nagkaroon ng pinsala sa katawan matapos sipain ng suspek pababa ng hagdan bago pawalan at pulis na nasaksak sa kamay. Dinala rin sa pagamutan si Col. Goforth na nakaramdam naman ng paninikip ng dibdib.