Martin1

Speaker Romualdez, DSWD pinangunahan pamamahagi ng food, rice ayuda sa may 335k pamilya

Mar Rodriguez Nov 5, 2023
432 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, katuwang ang ilang mambabatas at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Linggo ang pag arangkada ng financial at rice assistance program na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pamilya sa Metro Manila at dalawang bayan sa Laguna.

Ang programa ay tugon sa hamon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Speaker Romualdez na bumalangkas ng isang programa para mabigyan ng libreng bigas ang mga mahihirap na pamilya.

Ang Cash and Rice Distribution (CARD) Program ay ipatutupad sa pagtutulungan ng Kamara de Representantes na pinamumunuan ni Speaker Romualdez at ng DSWD sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian.

“Makasaysayan po ang araw na ito, hindi lamang dito sa Laguna kundi maging sa buong Metro Manila. Ngayong umaga, pormal nating sisimulan ang pinakabagong programa ng ating pamahalaan — ang Cash Assistance and Rice Distribution o CARD program,” saad ni Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 kongresista.

Si Speaker Romualdez ay dumalo sa paglulungsad ng programa sa Biñan City, Laguna na sinabayan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ni Pang. Marcos sa probinsya.

“Nabuo ang programang ito bilang sagot sa hamon ng ating Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Kongreso na tumulong kung paano mabibigyan ng mura at magandang klase ng bigas ang ating mga komunidad,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Inilunsad ang CARD Program sa 33 distrito sa Metro Manila na may tig 10,000 mahihirap at bulnerableng benepisyaryo o kabuuang 330,000 na indibidwal.

Ang pamamahagi ng tulong ay hinati sa apat na bahagi.

Maliban sa NCR, nagkaroon din ng pamamahagi ng tulong sa Biñan City (3,000 benepisyaryo) at Sta. Rosa City (2,000 benepisyaryo) o kabuuang 335,000 benepisyaro na unang sigwada ng programa.

Ang mga benepisyaryo na kinabibilangan ng senior citizens, PWDs, solo parents at IPs ay makatatanggap ng hindi bababa sa P2,000 halaga ng ayuda: 25 kilong bigas na nagkakahalaga ng P950 at P1,050 pambili ng iba pang pagkain.

Ang DSWD ang naatasang tumukoy sa mga benepisyaryo kung saan may mga lugar na maaaring umabot ng hanggang P2,500 ang halaga ng tulong.

“Alam natin na buong mundo ang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa global inflation na dala ng mga digmaan sa Middle East. Dahil dito, hindi ganun kadali para sa pamahalaan na mapapababa ang presyo ng bigas dito sa atin sa Pilipinas,” saad ni Speaker Romualdez.

“Gayunpaman sinikap nating humanap ng paraan kung paano makakatulong para mapagaan ang buhay ng ating mga kababayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin. Target po natin na mabigyan ang 10,000 benepisyaryo sa bawat distrito,” sabi pa nito.

Ayon kay Speaker Romualdez gaya ng BPSF ni Pang. Marcos Jr. – isang programa na inilalapit sa publiko ang daang serbisyo ng gobyerno – na ipatutupad sa buong bansa, ang CARD program ay dadalhin din sa labas ng Metro Manila sa lahat ng 250 congressional districts sa Pilipinas.

Sa 10,000 benepisyaryo kada distrito, aabot sa 2.5 milyon na indigent at vulnerable na Pilipino ang makikinabang dito.

“Layunin po natin na palawakin ang programang ito hindi lamang sa buong Luzon kundi sa lahat ng panig ng bansa. Uunahin lamang natin ang mga siyudad maging sa Visayas at Mindanao kung saan mayroong kakulangan sa suplay ng mura at de-kalidad na bigas,” paliwanag ni Romualdez.

“Simula pa lamang ito ng patuloy na pagbibigay natin ng ginhawa sa ating mga mamamayan. Asahan ninyo na laging katuwang ninyo at ng ating Pangulong Marcos ang Office of the Speaker at ang buong kasapian ng House of Representatives para masigurong may sapat na pondo ang lahat ng programang laan para sa ordinaryong Pilipino,” aniya.

Tinukoy ng House leader na nabuo ang programa sa gitna na rin ng nagtataasang presyo ng bigas at iba pang hamong kinahaharap ng mga mamimili at upang bigyan muli sila ng access sa mas murang bigas at palakasin ang kakayanang makabili nito.

Magsisilbi rin itong panlaban sa mga nang-iipit ng suplay ng bigas at mga sangkot sa pagmamanipula ng presyo nito.

Ayon kay Speaker Romualdez, na isa sa pangunahing organizer ng BPSF, na planong dalhin ng pamahalaan ang higit 60 serbisyo nito sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.

“The Serbisyo Fair truly breathed life into the aspirations of President Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr. to bring so many government programs within the reach of people who may not have the means to avail of these benefits,” diin ni Speaker Romualdez.

Matatandaan na mismong si Pang. Marcos ang nanguna sa Grand Launch ng BPSF sa Nabua in Camarines Sur na sabayan ding inilungsad sa Laoag, Ilocos Norte, bayan ng Tolosa sa Leyte para sa Visayas, at ang munisipalidad ng Monkayo, Davao de Oro para sa Mindanao.

Higit sa 400,000 Pilipino ang inaasahang magbebenepisyo sa 60 serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pinondohan ng P1 bilyon.

Ang BPSF national secretariat ay binubuo ng Office of the President, Office of the Speaker, Presidential Communications Office (PCO), at Kamara de Representantes.

Sa pamamagitan ng programa ay mas magiging madali ang pagkuha ng mga Pilipino ng serbisyo ng gobyerno.

Kabilang sa mga ahensya na nagbibigay ng social services ang Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Food and Drug Administration (FDA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Food Authority (NFA), Office of Civil Defense (OCD) at Philippine Coconut Authority (PCA).

Livelihood at educational services naman ang hatid ng Department of Agrarian Reform (DAR), Commission on Higher Education (CHED), Department of Science and Technology (DOST), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Skills and Development Authority (TESDA), DENR, OCD, at FDA.

Nagbigay rin ng serbisyo ang mga regulatory offices gaya ng Department of Foreign Affairs, Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Bureau (LTFRB), Professional Regulations Commission (PRC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Statistics Authority (PSA).

Kasama sa mga serbisyong ibinibigay sa BPSF ang mga sumusunod:

• Pagpasok sa TUPAD o GIP
• Legal counseling
• Pamimigay ng farm inputs at machinery
• Tulong Dunong Program
• TESDA scholarships at program enrollment
• Financial assistance programs
• Kadiwa Stores
• SB Corp. services para sa MSME
• Educational assistance
• LTO driver’s license renewal
• DFA passport application
• NBI clearance application
• Police clearance application
• LTOPF renewal/application
• PSA birth certificate application
• Pag-ibig membership at housing loan
• SSS membership application
• GSIS UMID application
• Postal ID application
• National ID application
• PhilHealth consultation
• Public service training
• PRC renewal
• PAO free legal services
• PhilHealth registration.