Martin

Speaker Martin Romualdez inihayag na magiging mabilis na ang internet speed sa 2023 kapag ipinatupad na ng dict ang NBP

Mar Rodriguez Nov 28, 2022
412 Views

Speaker Romualdez: Internet mas bibilis kapag NBP ipinatupad ng DICT

INIHAYAG ngayon ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na magiging mabilis na ang “internet connection” o internet speed sa susunod na taon kapag ipatupad na ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang National Broadband Plan (NBP) na mayroong P1.5 bilyong allocation sa 2023 national budget.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang P1.5 bilyong alokasyon sa NBP ay bahagi ng P77 bilyong “institutional amendments” na ginawa ng Kamara de Representantes upang madagdagan ang budget para sa education, health, transportation at iba pang mahahalagang social services.

Binigyang diin ni Romualdez na sa kasalukuyang modernong panahon. Hindi aniya maikakaila na napakahalaga na ng internet sa buhay ng mga Pilipino. Sapagkat ito ang kanilang ginagamit para sa kanilang edukasyon, negosyo, pambili ng mga kailangan at iba pang mga bagay.

“And the internet is a critical social services nowadays. As it is deeply entrenched in the way we live, we use the internet for education, for delivering and availing social services for our businesses and for almost every facet of our lives,” sabi ng House Speaker.

Nabatid naman kay AKO Bicol Party List Cong. Elizaldy “Zaldy” S. Go, Chairman ng House Committee on Appropriations, na ang P1.5 bilyon na alokasyon para sa NBP ay kabilang sa mga programang pasisimulan upang magkaroon ng internet para sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan.

“Ang alam natin na maraming lugar pa rin sa ating bansa ang hindi naaabot ng internet connection. Lalo na yung mga malalayong lugar dito sa Pilipinas, and we can now use the bandwidth given by Facebook once the DICT conducts the rollout of national broadband infrastructure, which will now be finally funded,” paliwanag naman ni Go.