Martin

Speaker Romualdez nagpaabot ng tulong sa pamilya ng OFW na hinostage ng Hamas

Mar Rodriguez Dec 20, 2023
153 Views

INASIKASO ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Miyerkules ang paglalabas ng nasa P630,000 halaga ng tulong mula sa kaniya at sa administrasyong Marcos para sa pamilya ng overseas Filipino worker na binihag ng Palestinian Islamist militant group na Hamas at kalaunan ay pinalaya.

Isa si Jimmy Pacheco, 33-taong gulang, sa mga binihag ng grupong Hamas nang kanilang lusubin ang Kibbutz Nir Oz na nasa katimugang bahagi ng Israel noong Oktubre 7. Sa tulong pamahalaan ng Pilipinas at iba pang organisasyon ay pinalaya ito noong Nobyembre 24.

“We know that this aid package cannot undo the physical and psychological scars that Jimmy Pacheco suffered while being held hostage in Gaza. We cannot begin to imagine what he has witnessed and what pain he has experienced,” sabi ni Speaker Romualdez matapos personal na makaharap si Pacheco.

“But we do hope that this government assistance will send a message to Jimmy, his family and to all Filipinos that the government is there for you and that it will do everything to show that it cares for you, especially during times of great need,” dagdag niya.

Kasama ni Pacheco ang kaniyang asawa na si, Clarice Joy, at tatlong anak na sina Geyanah Clein, 5 taong gulang; Gillian Carlo at Ghieann Cayll, 11 taong gulang.

Nakatanggap ang pamilya ni Pacheco ng P500,000 mula sa tanggapan ni Speaker Romualdez.

Nakatanggap din siya ng P10,000 mula sa Department of Social Welfare ang Development (DSWD) sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Pinagkalooban din ang tatlong niyang anak ng tig-P5,000 na educational assistance, mula rin sa DSWD.

Maliban dito, nabigyan din si Pacheco at kaniyang asawa ng P95,000 halaga ng livelihood assistance: P15,000 ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD at tig-P40,000 mula naman sa Department of Labor and Employment sa ilalim ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Sa kabuuan, nagkakahalaga ng P630,000 ang natanggap ni Pacheco at kanyang pamilya.

“We welcome you home, Jimmy. And you have our gratitude for being a modern-day hero for your family and for your country. Itinuturing nating bayani ang ating mga OFWs na nakikipagsapalaran sa ibang bansa at tinitiis na malayo sa pamilya. We recognize your contribution to nation-building,” saad ni Speaker Romualdez.