Calendar
Speaker Romualdez nangakong aaprubahan panukalang magpapalakas sa ekonomiya
Nangako si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga foreign investor at multilateral lender na ipapasa ng Kamara de Representantes ang mga panukalang batas na kailangan upang mas lalong lumakas ang ekonomiya ng bansa.
“We are committed to passing more measures that the Marcos administration may need to further enhance investment in the Philippines aimed at improving the lives of Filipinos. I urge foreign investors to stay the course with us and share the benefits of progress and development,” sabi ni Speaker Romualdez.
Kasabay nito ay pinuri ni Speaker Romualdez ang mga magagandang pahayag nina Standard Chartered Bank Global Head of Public Sector and Development Organizations Karby Leggett, World Bank Country Director for Philippines, Malaysia, Thailand, and Brunei Ndiamé Diop, at International Monetary Fund (IMF) Deputy Director, Asia, and Pacific Department Sanjaya Panth sa isinagawang presentasyon ng economic team ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pangunguna ni Finance Sec. Benjamin Diokno kaugnay ng estado ng ekonomiya ng Pilipinas.
Nasa Fairmont, Washington DC ang economic team ng Marcos administration upang manghikayat ng mga mamumuhunan at ipakita ang malakas na ekonomiya ng bansa sa kabila ng patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic at mataas na inflation rate.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagtitipon ay bahagi ng whole-of-government approach na ginagamit ng administrasyong Marcos upang dumami ang mga mamumuhunan sa bansa na makalilikha ng trabaho at magbibigay ng dagdag na oportunidad para sa mga Pilipino.
“I commend members of the economic team for this briefing. The United States is a major source of investments and funding assistance. The World Bank and IMF are likewise principal development funders,” ani Speaker Romualdez.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa World Bank at IMF at iba pang malalaking multinational bank na tumulong sa pag-organisa sa komperensya na ikalawa sa Washington DC at ikatlo sa Estados Unidos.
Dumalo rin sa pagtitipon si Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez.
Bukod kay Diokno, nagpresinta rin sa pagtitipon sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Felipe M. Medalla, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at National Economic and Development Authority Sec. Arsenio Balisacan.
Sinabi ni Diokno sa mga lumahok na inaprubahan ng Kongreso ang 2022-2028 Medium Term Fiscal Framework na siyang magiging gabay sa mga gagawing hakbang sa pagpapalakas ng ekonomiya.