Martin

Speaker Romualdez pinuri direktiba ni PBBM na ipantulong sa mga magsasaka sobrang koleksyon ng RCEF

Mar Rodriguez Oct 10, 2023
324 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na ipantulong sa mga magsasaka ang sobrang nakolektang buwis mula sa imported na bigas.

“This gesture manifests the unwavering resolve of President Marcos, Jr. to boost agricultural production, particularly of rice, to ensure a stable supply of food for every Filipino family at affordable prices and uplift the lives of our farmers,” ani Speaker Romualdez, ang lider ng Kamara de Representantes na may higit 300 kinatawan.

Batay sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. sa DA, ang sosobra sa target na P10 bilyon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay maaaring gamitin sa pagbili ng kagamitan para mapataas ang produksyon ng mga lokal na magsasaka gaya ng drying at mechanization equipment.

Sa ilalim ng Republic Act 11203, o Rice Tariffication Law (RTL), nakalaan ang P10 bilyon mula sa makokolektang buwis sa imported na bigas para sa RCEF na gagamitin sa mga programa at proyekto at pagpapataas ng kakayanan at ani ng mga magsasaka ng palay.

“The excess collections from rice tariffs channeled into supporting our rice farmers will enable them to access modern farming technologies, improve their agricultural practices, and ultimately increase their productivity,” sabi ni Romualdez.

“Moreover, this initiative will foster resilience within our agricultural sector, ensuring that we continue to meet our domestic rice requirements and reduce our dependency on rice imports,” dagdagn niya.

Matatandaan na bumisita ang mga lider ng Kamara sa irrigation projects sa San Rafael, Bulacan noong nakaraang buwan kung saan ibinahagi ni Speaker Romualdez na nabanggit sa kanya ni Pangulong Marcos Jr. ang plano nitong gamitin ang sobrang koleksyon sa RCEF upang madagdagan ang tulong na maibibigay sa mga magsasaka.

Sa pamamagitan nito, nais aniya ng Pangulo na mapababa ang presyo at gastos sa produkyon na magreresulta naman sa mas mababang presyo ng bigas na pakikinabangan ng mga mamimili.

Bilang pinuno ng Kamara, nangako si Speaker Romualdez na magbibigay ang Kongreso ng humigit-kumulang P40 billion na karagdagang pondo para sa mga proyekto ng patubig sa ilalim ng 2024 national budget bilang suporta sa misyon ng Pangulo na pataasin ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Ang paggamit sa sobrang kita ng RCEF ay ang pinakabago sa serye ng mga hakbangin ni Pangulong Marcos upang mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka ng palay at ibaba ang presyo ng pagkain sa bansa.

Upang kumita ang mga magsasaka, itinaas ng National Food Authority (NFA) Council—na pinamumunuan ni Pangulong Marcos—ang buying price ng palay ng National Food Authority sa P19 -P23 kada kilo para sa tuyo at P16 -P19 kada kilo para sa basa.

Inaprubahan din kamakailan ni Pangulong Marcos ang pagpapalabas ng P12.7 bilyong pondo mabigyan ng tig-P5,000 tulong pinansyal ang may 2.3 milyong maliliit na magsasaka ng palay sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program ng gobyerno.

Nitong Setyembre 25 naman ay inilabas ang Executive Order (EO) No. 41 upang alisin ang pangongolekta ng pass through fee at iba pang singilin sa sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural na dumaraan sa mga kalsadang ipinagawa ng gobyerno upang mapababa ang presyo ng pagkain.