Martin1

Speaker Romualdez pinuri napapanahong paglagda ni PBBM sa 2024 budget

Mar Rodriguez Dec 20, 2023
162 Views

Na naglalayong magbigay ng magandang bukas sa mga Pinoy 

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang napapanahong paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa P5.768 trilyong budget para sa 2024, na isa umanong mahalagang hakbang para sa magandang bukas ng mga Pilipino.

Ang paglagda ng panukalang budget, ayon kay Speaker Romualdez ay isang pagtiyak na tuloy-tuloy ang implementasyon ng mga mahahalagang programa at serbisyo ng gobyerno na magsisilbing pundasyon sa paglago ng ekonomiya at pag-angat ng lipunan.

“President Marcos, through his decisive leadership and unwavering commitment to the Filipino people, has delivered a clear message of stability and progress,” deklara ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na may mahigit 300 miyembro.

“With the 2024 budget firmly in place, we can now proceed with confidence, knowing that crucial investments in vital areas like agriculture, healthcare, education, and infrastructure will continue unabated,” saad pa ng Speaker.

Ayon kay Speaker Romualdez ang 2024 budget ay nakatuon sa pangangailangan ng mga Pilipino at nakadisenyo para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng bansa at nagpapakita ng pangako ni Pangulong Marcos na “Sama-sama, Babangon Tayo Muli.”

Nakapaloob umano sa 2024 budget ang pagtiyak na mayroong sapat na pagkain sa bansa, pagbawas sa gastos sa transportasyon, pagpapababa ng gastos sa enerhiya, pagtugon sa pangangailangan sa edukasyon, pagpapaganda ng serbisyong pangkalusugan, pagpapalakas ng social protection, pagpapaganda ng serbisyo ng gobyerno, pagtugon sa hamong dala ng climate change at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez kasama sa 2024 budget ang halos P500 bilyong pondo sa iba’t ibang social amelioration program o ayuda para sa 12 milyong mahihirap na pamilya o tinatayang 48 milyong Pilipino.

Kasama sa halos P500 bilyong pondo ang P60 bilyon para sa bagong programang AKAP o “Ayuda sa Kapos ang Kita” kung saan bibigyan ng tig-P5,000 ang mga mahihirap na hindi lalagpas s P23,000 ang kinikita kada buwan.

Magpapatuloy din umano ang pagpapatupad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development at Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.

Ang AICS ay may P23 bilyong pondo samantalang ang TUPAD ay P30 bilyon.

Mayroon din umanong pondong inilaan ang Kongreso para sa implementasyon ng legacy projects ng Pangulo gaya ng Legacy Food Security, Legacy Specialty Hospitals, at Legacy Housing para sa mahihirap.

Para sa Legacy Food Security, sinabi ni Romualdez na may nakalaang P5 bilyon para suportahan ang mga magsasaka gaya ng irigasyon, binhi, at fertilizer, at P5 bilyon na pambili sa mga ani ng lokal na magsasaka.

Mayroon din umanong P80 bilyon sa ilalim ng National Irrigation Authority para sa pagtatayo ng mga dam, water reservoir, at solar irrigation system na naglalayong paramihin ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Magtutuloy-tuloy din ang pagpapalawig ng operasyon ng mga specialty hospital na saklaw ng Legacy Hospitals.

Para sa 2024, naglaan ang Kongreso ng P1 bilyon para sa UP-Philippine General Hospital, P1.5 bilyon para sa National Kidney and Transplant Institute, P1 bilyon para sa Philippine Cancer Center, P1 bilyon para Philippine Children’s Medical Center, P1 bilyon para sa Bicol Regional Medical Center, at P500 milyon para sa Batangas Regional Medical Center, ayon kay Speaker Romualdez.

Bukod pa umano ito sa pondo para sa libreng pagpapagamot, konsultasyon, gamot, at iba pang serbisyong medikal, dagdag pa ng lider ng Kamara.

Para sa Legacy Housing, sinabi ni Speaker Romualdez na malapit ng pasinayaan ng Pangulo ang mga housing project.

Upang maprotektahan ang interes ng bansa sa West Philippine Sea, sinabi ni Speaker Romualdez na naglaan ang Kongreso ng P1.5 bilyon para sa pagsasaayos ng paliparan sa Pag-asa Island.

May dagdag pang 800 milyon para sa pagtatayo ng shelter port para sa mga mangingisda at kanilang mga bangka sa Lawak, Palawan, ang pinakamalapit na isla sa Ayungin Shoal, kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre na ginagamit na kampo ng mga sundalong Pilipino.

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga miyembro ng Kongreso na nagpakapagod upang maipasa sa oras panukalang budget.

“This budget is a testament to the collective will of our lawmakers, who put the welfare of our nation above personal or political interests,” sabi pa nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang paglagda sa 2024 budget ay hindi lamang isang natapos na proseso kundi isang malaking hakbang para sa mas magandang kinabukasan ng mga Pilipino.

“Under President Marcos’ leadership, and with the continued support of our people, we are confident that this budget will pave the way for a more prosperous, inclusive, and resilient Philippines,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.