Martin

Speaker Romualdez, Tingog, DSWD naghatid ng tulong sa 3,000 pamilya sa Navotas

Mar Rodriguez Jul 26, 2024
90 Views

BINISITA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Navotas City noong Huwebes ng hapon dala ang mga food packs para sa may 3,000 pamilya na naapektuhan ng bagyong Carina at Hanging Habagat.

Nagsagawa rin si Speaker Romualdez ng ocular inspection sa nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate and Pumping Station sa Navotas City kasama sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Appropriations panel chair Rep. Zaldy Co, Navotas Rep. Tobias “Toby” Tiangco, at Navotas City Mayor John Rey Tiangco.

“Hatid ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang tulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Nandito kami para ipadama, ilapit at ipaabot sa mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan,” ani Speaker Romualdez, na nagdala ng relief goods katuwang ang Tingog Partylist, at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Madami pa tayong pupuntahang mga evacuation centers. Ipaaabot natin sa mga nabiktima ng Habagat at bagyong Carina ang tulong ng pamahalaan, nasaan man silang panig ng bansa. Alam ng ating Pangulo ang sitwasyon at may direktiba na para sa pagtulong sa mga nasalanta,” sabi ng lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Nasa 1,000 relief pack mula DSWD ang naipamigay sa tulong ng Office of the Speaker at Tingog Partylist noong Huwebes. Bukod dito mayroong 2,000 Puregold relief packs mula kay Speaker Romualdez at Tingog ang ipamimigay naman sa tulong nina Rep. Tiangco, Mayor Tiangco, at mga lokal na opisyal.

Noong Huwebes, personal na tinignan ni Speaker Romualdez ang nasirang floodgate na nagpalala sa pagbaha sa Malabon at Navotas.

Ayon kay Rep. Tiangco malaki ang naitutulong ng navigational gate sa pagpigil ng baha sa maraming lugar.

Nauna rito ay ipinag-utos ni Speaker Romualdez ang pagrepaso sa flood control master plan ng National Capital Region at ang pagtiyak na mayroong pondo para sa pagkumpuni sa nasirang floodgate.

“Kailangan nating suriin ang plano kontra sa mga baha dahil sa nangyaring ito. Sisiguruhin nating ang national budget natin ay may kaukulang pondo sa pagsasaayos ng mga drainage systems, pumping stations, at kung ano-ani pa laban sa pagbaha,” sabi ni Speaker Romualdez