Relief

Speaker Romualdez, Tingog party-list sumaklolo sa mga binaha sa Davao del Norte

192 Views

NAGPADALA ng tulong sina Speaker Martin G. Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre sa mga binaha sa Davao del Norte.

Noong Lunes, ang mga tanggapan ng mga mambabatas ay nagsagawa ng magkakahiwalay na relief operation sa mga barangay sa Tagum City, New Corella, Asuncion, Kapalong, Carmen, at Dujali.

Nagbigay ng P1 milyong cash aid at mahigit 1,600 food packs na nagkakahalaga ng P500,000. Ang bawat food pack ay mayroong lamang bigas, instant noodles, de lata at instant coffee.

“This is the least that we can do for our kababayans who were displaced by the floods. Rest assured that we will always be responsive to calls for assistance from disaster-stricken provinces. A little malasakit can go a long way, and we’re here to lend a hand,” sabi ni Speaker Romualdez.

Nakatuwang sa pamimigay ng tulong sina Davao del Norte 2nd District Rep. Alan “Aldu” R. Dujali at Vice Governor Oyo Uy.

Nagpadala rin ng dagdag na 3,000 family pack ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lugar.

Si Speaker Romualdez ay kinatawan ng unang distrito ng Leyte, at ang misis nitong si Rep. Yedda Romualdez ang chairperson naman ng House Committee on

Accounts. Si Acidre ay isa namang Deputy Majority Leader ng Kamara.

Noong nakaraang buwan, nagpadala rin ang tatlong mambabatas ng relief packs at P2 milyong cash assistance sa mga binaha sa Misamis Occidental.

Naglungsad ng fund drive si Speaker Romualdez noong nakaraang taon para tulungan ang mga biktima ng bagyong Paeng.