Calendar

SPED-G binigyang-pugay ng SDO-Olongapo
BINIGYANG-PUGAY ng buong pamunuan ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) of Olongapo, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Imelda P. Macaspac, ang mga mag-aaral at guro ng Special Education Center for the Gifted (SPED-G) Kalayaan matapos makapag-uwi ng iba’t ibang parangal mula sa katatapos lamang na Regional Schools Press Conference (RSPC) sa Balanga, Bataan, noong Linggo.
Unang kinilala ng DepEd Olongapo si Francis Deinmel R. Legaspi, ang grade 6 student na itinanghal na isa sa Most Outstanding Campus Journalist of Region III ng DepEd Regional Office III.
Si Legaspi ay nakapag-uwi din ng prestihiyosong 3rd Best Anchor award sa Radio Scripwriting and Broadcasting Filipino.
Sa kaugnay na balita, kinilala rin ng mga opisyal ng SDO Olongapo ang buong Filipino Broadcasting Team ng paaralan na binubuo nina Legaspi, Anne Margarette Inton, Erika Lianne Perez,
Precious Louise Mazon, Melissa Ana Marie Patacsil, Martin Lucas Mallari at Kirk Lucas Pangan, at ng kanilang coach at adviser na si Gng. Sally Araña Asiatico, matapos masungkit ang 4th Best Infomercial award mula sa naturang kompetisyon.
Kasamang binigyang-pugay ng SDO Olongapo ang SPED-G Kalayaan school paper adviser na si Gng. Ina Lim Habacon na tinanghal na isa sa Most Outstanding Campus Adviser of Region 3.
Ang SPED-G Kalayaan ay kasalukuyang pinamumunuan ni Gng. Mylin Gamboa-San Jose (principal) at ina-assist ni G. Ronald dela Cruz (assistant principal).
Samantala, pinasalamatan naman ng mga nanalong mag-aaral at guro si Public Schools Division Supervisor Gng. Filomena D. Pascual sa walang-sawang suporta nito sa kanilang campus journalism program at competitions.