Calendar
SPEEd nagdiwang ng ika-6 anibersaryo sa pamagitan ng kawanggawa
PARA sa mas makabuluhang pagdiriwang ng ika-6 na anibersaryo ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), muling nagsagawa ang grupo ng outreach program nitong nagdaang Biyernes, July 7.
Dumalaw at nagbigay ng donasyon ang SPEEd, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis (People’s Journal), kasama ang iba pang opisyal at mga miyembro nito, sa dalawang charitable institution sa Bulacan.
Unang binisita ng samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ang Bethany House Sto. Niño Orphanage sa Guiguinto na nag-aalaga at nagbibigay proteksyon sa mga batang wala nang pamilya o kamag-anak.
May 40 kabataan ang naninirahan sa Bethany House Sto. Niño Orphanage na pinamumunuan ni Sister Emerlita. Siya ang laging punung-abala sa pagtanggap sa mga nagnanais magpaabot ng tulong sa mga batang kanilang kinakalinga at pinag-aaral.
Kasunod nito, nagtungo naman ang SPEEd sa Emmaus House of Apostolate na matatagpuan sa Malolos, Bulacan kung saan may 70 lolo at lola ang naninirahan at inaalagaan.
Bukod sa financial assistance, ilan pa sa mga naiabot na tulong ng grupo ay food and medical supplies, cleaning materials, vitamins, adult diapers, at iba pang kagamitan na magagamit sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Naging katuwang sa SPEEd Outreach 2023 sina Ms. Rei Anicoche-Tan ng Beautederm at BlancPro, Ms. Cris Roque ng Kamiseta, Unilab Corporation at Pascual Laboratories na mula noon hanggang ngayon ay hindi nagsasawang sumuporta sa mga makabuluhang proyekto ng SPEEd.
Nagpapasalamat din ang grupo kina Lolis Solis, Hon. Bulacan Gov. Daniel Fernando, San Miguel Corporation, Jollibee, Universal Robina Corporation, Mr. Mark Parlade at Ms. Rosbel Buñag ng Stratworks, Ms. Dee Chanco ng Maris Pure Water, Ms. Lotlot de Leon, Ms. Susan Joven, Mr. Wilson Flores ng Kamuning Bakery, Mr. Edd Fuentes, Lamoiyan Corporation at
Colorete Clothing.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas.