NHA

Subanen tribe sa Zamboanga del Norte nakatanggap ng 100 bahay mula NHA

Jun I Legaspi Sep 7, 2024
68 Views

ITINURN-OVER over ng National Housing Authority (NHA) ang 100 bahay sa mga pamilyang miyembro ng Subanen tribe sa Zamboanga del Norte kamakailan.

Pinangunahan ni NHA-Zamboanga District Officer-in-Charge Atty. John Louie Rebollos ang turnover kasama si Liloy Mayor Roberto Uy, Jr.

Ang mga pabahay, na may sukat na 24.80 sq-m floor area, sadyang itinayo bilang semi-concrete upang labanan ang mga kalamidad na madalas sagupain ng tribong Subanen sa bulubunduking lugar ng lalawigan.

Mayroong solar panel at hand pump well upang magarantiya ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Matatagpuan sa “Peanut Capital of Zamboanga del Norte” ang Liloy Subanen IP housing project na isa sa mga proyektong pabahay ng NHA sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (IPs).

Ipinatupad ang housing project bunga ng masusing pag-aaral at sa pakikipagtulungan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), mga pinuno ng komunidad at ng lokal na pamahalaan.

Designed ang Liloy Subanen IP Housing Project ng may pagsasaalang-alang sa mga paniniwala, kaugalian, tradisyon at kultura ng tribu.